Duguang humandusay ang isang miyembro ng kilabot na “Agaw Armas” makaraang makipagbarilan sa isang bagitong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na sumaklolo sa isang sekyu guard na inagawan ng suspek ng baril sa tapat ng isang bangko sa Quezon City, kahapon.
Sa report na isinumite kay QCPD Director Chief/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nakilala ang nasawing suspek na si Alex Bautista y Ancero, 51 ng 342-Quirino Highway, Brgy. Talipapa, QC.
Inireklamo si Bautista ng kanyang biktima na si Edilberto Bautista y Limboc, 43, security guard ng PSA at nakatalaga sa Chowking, nakatira sa Liang St., Brgy. Sangandaan, Quezon City.
Nakilala naman ang bagitong pulis na si PO1 Raymond Nagal y Hamor, 27, nakatalaga sa Navotas Police Station, tubong Sorsogon at taga- Brgy.182, Caloocan City.
Base sa imbestigasyon ng CIDU alas-9:45 ng umaga nang mangyari ang insidente sa tapat ng United Coconut Philippines Bank (UCPB) sa No.380-Quirino Highway sa kanto ng Tandang Sora, Brgy. Talipapa, Quezon City.
Naka-duty umano ang security guard na si Bautista sa Chowking nang pumasok ang suspek at hinablot ang kanyang cal. 38 revolver na service firearm.
Pagkaagaw ng baril ay mabilis na lumabas ang suspek subalit hinabol ito ng biktima hanggang sa tapat ng UCPB at dito ay nagpambuno ang dalawa hanggang sa aksidenteng pumutok ang baril pero walang tinamaan.
Tiyempo namang napadaan si PO1 Nagal at nang makita ang komosyon ay nilapitan ang nagpapambuno at nagpakilalang pulis.
Hawak ng suspek ang baril at muling nagpaputok kaya’t hindi na hinayaan ng pulis at agad niyang ginantihan ng putok ang suspek na naging sanhi ng kamatayan nito.