Agawan sa mikropono: Pulis todas sa Cafgu

Patay ang isang pulis nang barilin­ ito ng isang miyem­bro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) matapos mag-agawan sa mikropono sa loob ng videoke bar, Huwebes ng gabi sa bayan ng Dinapigue sa lalawigan ng Isabela.

Kinilala ang nasawing si Police Corporal Freddie Marcos, nakatalaga sa intelligence division ng Dinapigue Municipal Police Station (MPS), habang patuloy na pinaghahanap ang suspek na si Jarwin Marticio, miyembro ng Cafgu.

Sa ulat ni Police­ Capt. Clarence Labasan, ng Dinapigue MPS, naganap ang insidente pasado alas-10:00 ng gabi sa isang videoke bar.

Nabatid na magkahiwalay ng lamesa na umiinom ang suspek at biktima. Nang medyo lasing na ang mga ito ay nag-agawan sa mikropono kung sino ang unang kakanta.

Bandang huli ay pinagbigyan ni Marticio si Marcos, kasabay ng paglabas nito sa bar. Subalit lingid sa kaalaman ng huli ay kinuha pala ng suspek ang kanyang 9mm na baril at pagbalik ng bar ay pinaputukan sa dibdib ang pulis sabay takas.

Naisugod pa sa pinakamalapit­ na pagamutan ang biktima subalit idineklara na rin itong dead-on-arri­val. (Edwin Balasa)