
Alam kong sasang-ayon kayo rito. Sa tuwing matatanong kung ilang taon ka na, tiyak akong ibang numero ang isasagot mo — mas mababa sa totoo mong edad. Marami akong kilalang ganyan. Ewan ko ba kung bakit ‘allergic’ tayo sa tanong na “how old are you?”
Ayon sa mga life expert, nagsisimula ang embarrassment natin sa tanong na ‘yan pagtuntong ng mid 20s. Lalo ka pa raw maiirita sa parehong tanong habang tumatanda.
Hindi naman sa nagbubuhat ng bangko pero kapag ako ang tinanong ng edad, proud akong sumasagot nang totoo at walang halong biro. Ika nga ng kasabihan, ‘age is just a number.’
Ngayong araw, nadagdagan na naman ako ng isang taon. Sa mga nagtatanong, 35 years old na ang inyong lingkod. Hindi ko kailanman ikinahiya ang edad ko.
Sa totoo lang, masaya akong nasa mid 30s na ako. Higit pa sa karaniwang puri ng mga nakakakilala sa akin na ‘baby face’ raw ako at mukha pa ring estudyante, pakiramdam ko’y fulfilled na ako sa buhay.
Tingin ko, malaki ang naitulong sa akin ng pagkakaroon ng positive outlook.
Ganyan din ang payo ng ilang life experts na nakausap ko, dapat laging positibo ang pananaw sa buhay. Huwag hayaang pumasok ang negative vibes sa iyong sistema. After all, ‘life begins at 40’.
Habang nagkaka-edad, mas lumalawak din ang responsibilidad, Akuin natin ito nang buong puso. Maturity comes with age. Kumilos nang naaayon sa edad. Tanda ko pa ang sabi ng college professor ko, dapat tayong maging ‘childlike’ hindi ‘childish’.
Hindi porket may edad na, wala nang time para magsaya. Mas dapat ngang makihalubilo sa kapwa. Socialization is the key to keep you going. Hindi naman masamang mag-night out paminsan-minsan. Siguruhin lang na magpaalam muna kay misis bago gumimik.
Para mas maging makabuluhan ang buhay, mainam na tumulong sa kapwa higit lalo sa mga mas nangangailangan.
Huwag din siyempreng kalimutang lumingon sa pinanggalingan. Habang nagkakaedad ka, mas dapat mong mahalin ang iyong mga magulang. Wala ka sa estado ng buhay mo ngayon kung hindi dahil sa kanila.
Sa mga ka-birthday ko, ang aking mainit na pagbati sa ating lahat — HAPPY BIRTHDAY to us all! Tandaan, numero lang ‘yan. Ang importante, hindi tayo tumatanda nang paurong. Ang ating kilos at gawa, laging pa-ABANTE.