Agimat ni Ramon mabisa pa rin

Literal na parang walis-tinting ang magkakapatid na Revilla. Magkakabigkis sila, hindi maaaring maghiwa-hiwalay, lalo na kapag may matinding paghamon sa kanilang pamilya.

Dumaan sa kritikal na kundisyon ang kanilang ama, ang pagkakataong ganu’n ang pinakakinatatakutan nilang magkakapatid, nobenta’y tres anyos na ngayon si dating Senador Ramon Revilla, Sr.

Nanawagan agad sila para ipanalangin ang pagbuti ng kalagayan ng kanilang ama, magkakasama silang nagbabantay sa ospital, nakarating naman sa langit ang maramihang dasal dahil ngayon ay bumubuti na ang sitwasyon ng aktor-pulitiko.

Nagpasalamat agad si Senador Bong Revilla sa mga nagdasal para sa kanilang ama, ganu’n din si Princess na nagsabing may tubo pa rin ang dating senador, nakaabang silang lahat para maging normal na normal na ang taas-babang lagnat ng haligi ng kanilang pamilya.

Positibo naman ang mga kababayan natin na aandar pa rin ang makasaysayang agimat ni Tito Ramon. Hindi lang daw pampelikula ‘yun kundi maging sa totoong buhay.

Harinawa.

Pacquiao, Mayweather tie sa lambot

Mabangis lang sa lona ang mga boksingero. Pamatay ang kanilang mga suntok. Pero iba ang buhay nila sa loob ng ring at kapag tapos na ang laban.

Tulad ni Senador Manny Pacquiao na walong iba-ibang belt na ang nakapulupot sa bewang. Kinatatakutan siya sa mundo ng boxing pero sa totoong buhay ay malambot ang kanyang puso.

Hindi na lang niya ipinagmamakaingay ang mga tulong na kanyang ibinibigay, pero mismong ang mga inaayudahan niya ang nagpapatotoo, madaling lapitan at hingan ng tulong ang senador-boksingero.

Hindi siya maramot, palibhasa’y galing siya sa hirap, alam na alam niya ang pinagdadaanang buhay ng mga kapos.

Ang kanyang nakatunggaling si Floyd Mayweather na tinawag na “Boy Takbo” ng mga Pinoy, tulad ni Pacman ay maganda rin ang puso nito, maraming komunidad sa Amerika ang sinusuportahan ni Mayweather.

Ang pinakahuli, na ayaw na sana nitong ipabanggit pero lumabas din, ay ang pagsagot nito sa lamay at libing ng kanyang kakulay na si George Flloyd ng Minneapolis.

Namatay ang African-American sa ginawang panunuhod sa kanya ng Puting police officer, laganap ngayon ang protesta sa Amerika dahil sa senaryo, nakasuot ng t-shirt na may nakaimprentang “I cannot breathe” ang mga nagpoprotesta.

Nakakatakot lang silang panoorin habang nakikipagpalitan ng lakas sa ring pero kapag nakapagpatumba na sila ng kalaban ay balik na sila sa totoong buhay bilang mapusong mamamayan.

Kapamilya star nasisimot na ang ipon

Walang kapanatagan ng kalooban ang mga personalidad na kontratado ng ABS-CBN Nakalutang sila sa hangin ngayon dahil ang inaasahan nilang muling pagsahimpapawid ng ipinasarado nilang network ay mukhang magtatagal pa.

Matindi pa ang diskurso sa Kamara kung mabibigyan ba ng bagong prangkisa ang network o wala nang pag-asa. Habang dumadaan sa legal na proseso ang isyu ay problemado naman ang mga empleyado at artista ng ABS-CBN. Paano na nga naman ang kanilang kabuhayan?

Hanggang kailan sila tatagal? Nasisimot na ang kanilang ipon, walang pumapasok sa kanilang kaban, paano na ang mga pamilya nila na sa kanila lang umaasa?

Masaklap na paghihintay.