Nadiskubre ang isang naaagnas nang bangkay ng isang lalaki matapos nitong hindi kunin ang ipinagkakaloob na relief food pack ng kanilang Barangay kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.

Lumobo na ang katawan nang matagpuan ang biktimang si Larry Villanueva, nasa 40-50 ang edad, tubong Bacolod City at umookupa sa Room 2-1, 2nd Floor Marvilla Residences Dormitory, Avenue sa Arellano Avenue corner Ayala St., Malate, Maynila.

Ang bangkay ay nadiskubre ni Cristituto Hoyohoy, 29, maintenance at caretaker ng dormitoryo nang puntahan ito sa kanyang unit para kunin ang kanyang relief pack. Pero habang papalapit sa Unit ng biktima ay may naamoy na itong masansang kaya agad na ini-report sa management.

Itinawag naman ito sa Brgy Chairman, 762 Zone 82 na siya namang nakipag-coordinate kay PCpt Dave Garcia, commander ng Arellano PCP.

Nang buksan ang pintuan gamit ang duplicate key ay dito na tumambad ang naagnas na bangkay ng biktima.

Huli umanong nakitang buhay ang biktima noong Abril 16 at hindi na ito lumabas sa kanyang kuwarto.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Cecilia, paminsan-minsan ay nakakaranas ito ng paninikip ng dibdib at nahihirapang huminga.

Dinala naman ang bangkay sa Cruz Funeral para sa awtopsiya. (Juliet de Loza-Cudia)