Nais ni environmental lawyer at ngayo’y kumakandidatong senador na si Atty. Francis N. Tolentino na maibalik ang agricultural high school at pag-amiyenda sa K to 12 program upang makapaglakip ng agricultural strand sa senior high school.
Ayon kay Tolentino, layunin ng panukalang ito na buhayin ang interes ng kabataan sa agrikultura at palakasin ang oportunidad ng hanapbuhay mula sa pagsasaka sa mga mga probinsya.
“Hindi lamang kasiguruhan sa pagkain ang nilalayon ng inyong lingkod. Sa pagpapalakas ng agrikultura, nasisiguro natin ang kasapatan ng pagkain gayundin ang hanapbuhay at pag-unlad ng ating mga magsasaka,” dagdag pa ni Tolentino.
Sinabi pa ni Tolentino na ang isang malakas at matagtag na sektor ng agrikultura ang susi sa kasiguruhan sa suplay ng pagkain at sa katatagan ng presyo nito sa merkado.
Ayon kay Tolentino, lubhang mahalaga ang sapat, matibay at tuloy-tuloy na suporta ng pamahalaan sa ating mga magsasaka upang higit na maparami ang kanilang ani at masiguro ang kanilang kita mula sa pagtatanim.
“Kinakailangan ng ating mga magsasaka ng higit pang ayuda maging ito ay sa anyo ng puhunan, o makabagong kaalaman, pagsasanay at kagamitan sa pagtatanim at pangangalaga o mga libreng punla, upang mapag-ibayo pa ang kanilang produksiyon at mapataas ang kanilang kita.
“Kapag matatag ang agrikultura ng bansa, tuloy-tuloy ang suplay ng pagkain at matibay ang presyo ng mga produkto sa pamilihan” dagdag pa ni Tolentino.