Aguilar, Ginebra nagkaisa para sa mga frontliner

Hindi lang sa basketball maaasahan si Japeth Paul Aguilar at ang Barangay Ginebra San Miguel Gin Kings, pati rin sa pagtulong sa mga ospital na lumalaban kontra coronavirus pandemic.

Nagsama-sama ang buong team ng Philippine Basketball Associatioon (PBA) – players at coaching staff — kahapon (Miyerkoles) upang mag-repack ng N95 masks na idodonasyon ng San Miguel Corporation sa 16 na mga ospital sa kapuluan.

“It was nice seeing the guys & catching up. We’re glad to help our frontliners in our own little way. Keep safe everyone, hopefully konting tiis nalang.🙏🏽” caption ni Aguilar sa kanyang Instagram account.

Ilan sa mga present na tumulong sa pagbabalot sina Stanley Wayne Pringle Jr., Joe Davance, Earl Scottie Thpmson, Lewis Alfred Tenorio, at iba pa.

“Sama-sama laban sa COVID-19. Walang iwanan! Never Say Die,” post din ni Tenorio sa kanyang IG na may ilang larawan habang nakiiisa sa pagtitipon sa SMC compound sa Ortigas, Mandaluyong.

Naroon din sina coach Earl Timothy Cone, assistant coaches Freddie Abuda, Rodericko Cesar Racela, Melchor Ravanes at iba pa rin.

Sa pamumuno ni Vice Chairman, President at Chief Operating Officer Ramon S. Ang, umabot na sa mahigit sa P1B ang tulong ng SMC sa mga frontliner at komunidad na labis na naapektuhan ng enhanced community quarantine sanhi ng virus. (Janiel Abby Toralba)