Aguilar magbabalik, Devance matetengga

May good news at bad news ang Ginebra na patuloy na binabagabag ng injuries.

Posibleng makabalik na si Japeth Aguilar ngayong weekend, una sa laro ng Gin Kings kontra NLEX sa main game mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Ang hindi kagandahang balita ay out ng mula 3-4 weeks si do-it-all forward Joe Devance.

“Injuries continue to hound us with Joe now out for the next 3-4 weeks, but we’re hoping Japeth can join us for this weekend,” kumpirmasyon ni coach Tim Cone.

Nagkaroon ng stress fracture ang paa ni 6-foot-7 Devance, ga­ling din sa injury at hindi pa dapat maglalaro pero dahil kulang sa tao ang Ginebra ay pinilit sumalang sa 124-118 loss sa Blackwater noong Sept. 21. Malaking papel din ang ginampanan ni Devance sa 101-99 win kontra Phoenix noong Sabado, nagsumite ng 15 points at 4 assists sa Cagayan de Oro.

Nakuha ni Aguilar ang right calf injury kontra Qatar sa 2019 FIBA World Cup Asian Quallifiers noong Sept. 17 sa Smart Araneta Coliseum, pinagpahinga ng 10 araw.

Depleted ang lineup ng Gins, pero naga­wang ipanalo ang lima sa anim na salang para okupahan ang tuktok ng PBA Governors Cup kaakbay ang Magnolia.

Isa pang magandang development para kay Cone ang gumaganda nang lagay nina Greg Slaughter (ankle) at Sol Mercado (knee). Si Art dela Cruz ay nakapag-ensayo na rin, pero wala pa sina Jervy Cruz (foot) at rookie Julian Sargent (shoulder).

Umaasa si Cone na makakabalik na sa mga susunod na araw sina Slaughter at Mercado.

“Greg and Sol are just around the corner in terms of returning to the lineup,” dagdag ng two-time grand slam champion coach.