Binuksan sa publiko ang proyekto ng Museo ni Emilio Aguinaldo (MEA) na ‘Inside Out: Museum Unboxed’ para sa mga may kapansanan sa paningin, nang gawin nilang 3D ang ilan sa kanilang art collection.
Ginawa ang proyekto sa ilalim ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Rotary Club of San Juan del Monte at Touch the Artists Vision.
Ayon kay Haidee Paulette M. Bedruz, curator ng MEA, nilalayon ng proyekto na matanggal ang mga hadlang at mapatatag ang inclusivity para sa lahat ng nais pumunta sa museo, maging ang mga visually impaired.
Ito na ang ikalawang museo na gumamit ng 3D, tactile at Braille sa kanilang koleksyon, ang una ay ang Metropolitan Museum sa Maynila.
Kabilang sa mga isinaling likhang sining ay ang Battle of Binakayan, Oathtaking in Tanza, Aguirre Sword, Battle of Zapote, Inang Bayan at ang Inauguration of the Malolos Constitution, na maaaring mahawakan ng lahat ng bibisita sa museo.
Nais ng NHCP na maitampok ang parehong proyekto sa lahat ng kanilang museo sa susunod na taon.