Kinuwestiyon ni Sen. Bam Aquino si Justice Secretary Vitaliano Aguir­re dahil sa pagbabalik ng operasyon ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).

Nabatid na pinayagan ng Bureau of Corrections (BuCor) na makipagtransaksiyon ang high-profile inmates na sangkot sa ilegal na droga sa kanilang mga kasabwat sa labas ng NBP at palitawin na ito’y sting operation.

Kahit mismong Justice Secretary ay kinuwestiyon ang ganitong operasyon dahil binuhay nito ang bentahan ng droga sa NBP.

“It’s very frustrating na tuloy-tuloy pa rin ang daloy ng drugs. Our Customs allows billions of pesos worth of shabu in the country and BuCor allows the drug trade in Bilibid to continue,” wika ni Sen. Aquino sa hearing­ ng Senate committee on ­finance sa panukalang budget ng Department of Justice (DOJ) kahapon.

Ipinaliwanag ng isang NBP official na ang paglipat sa high-profile inmates ay bahagi ng dalawang case operation plans (COPLAN) na binuo ng isang inter-agency body, na kinabibilangan ng DOJ at Philippine National Police (PNP).

Sa ilalim ng nasabing plano, na unang ipinatupad noong Enero 2017, inilipat ang high-profile inmates sa medium security at pinayagan silang kontakin ang mga kasabwat sa labas upang sila’y matukoy at mahuli ng mga alagad ng batas.