Aguirre nangakong magbabago

Nangako si Justice­ Secretary Vitaliano Aguir­re na magbabago na siya alang-alang sa iginagalang na institusyon na kanyang pinamumunuan.

Sinabi ito ni Aguirre ­kasabay ng pagpapasa­lamat kina Sens. Loren­ ­Legarda at Antonio Trillanes IV sa pagpapaalala na maging professional at huwag haluan ng pulitika ang trabaho sa DOJ.

“I will get your advice seriously and thank you very much,” wika ng kalihim.

Labis ang pasasalamat ni Aguirre kay Trillanes dahil hindi nito itinuloy ang banta na i-defer ang pagpapatibay ng P17.27 bilyong panukalang budget ng DOJ sa 2018 sa Senate committee on finance na pinamumunuan ni Legarda.

“Let’s be more res­ponsible in our statements,” payo ni Legarda kay Aguirre.

Nauna rito, itinulak ni Trillanes na ipagpaliban ang pagpapatibay ng panukalang budget ng DOJ matapos isa-isahin ang pitong insidente kung saan inakusa­han ng kalihim ang mga miyembro ng oposisyon.

Pinakahuli sa akusas­yon ni Aguirre ay nang pumutok ang gulo sa Marawi City noong Mayo 23 matapos ang pagbisita doon nina Trillanes, Sen. Bam Aquino at Magdalo party-list Rep. Gary Alejano.

Niliwanag ni Aguirre na ipinapaberipika pa niya sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isyu hinggil sa tatlo, pero ipinalabas umano ng media na may kinalaman na ang tatlo sa Marawi siege matapos maglabas sila ng litrato.