Naperwisyo ang pag­lalaro ni Amy Ahomiro sa Perlas dahil sa pagbabago sa patakaran ng Premier Volleyball League.

Napagdesisyunan ng league board na hindi na papayagan ang mga foreign players na permanent residents sa bansa na makalaro sa tournament, ayon kahapon kay Ricky Palou, ang president ng organizing Sports Vision.

Ipatutupad ang napag-usapan simula sa Open Conference sa July 1.

“The rule has been changed about foreig­ners holding ACR (Alien Certificate of Residence). Teams voted that it should be All-Filipino and that players should be Philippine passport holders,” ani Palou.

New Zealand natio­nal si Ahomiro, former standout ng Ateneo Lady Eagles sa UAAP.

Hindi na rin matutuloy ang paglaro sa PVL Open ni Patcharee Sangmuang, dating skipper ng Thailand national team na may tatlong taong permanent resident sa Pilipinas.

Walong teams na ang maglalabu-labo sa PVL sa pagsali ng Akari at Hapee Toothpaste.

Umayuda ang Akari sa Adamson, mga pambato ng UP ang ibabandera ng Hapee.

Nariyan pa rin ang mainstays Pocari Sweat, Creamline, Air Force, Perlas, BaliPure at Power Smashers.