NGAYONG gabi na ang awarding sa Asean International Film Festival sa Sarawak, Malaysia kung saan maraming nakuhang nominasyon ang mga pelikula nating kalahok.
Ilan sa mga ito ay ang pelikulang Area ni Ai Ai delas Alas na nominado sa Best Actress category, pati si Allen Dizon sa Best Actor at si Sue Prado sa Best Supporting Actress.
Marami ring nakuhang nominasyon ang pelikulang Laut, at isa na rito si Ana Capri sa kategoryang Best Supporting Actress.
Kaya si Ms. Baby Go ang pinaka-excited sa lahat dahil sa dami ng mga nominasyong nakuha ng kanyang mga pelikula.
Hindi raw niya makalimutan sa festival na merong isang foreigner na filmmaker na humalik sa kamay niya dahil natuwa sa dalawang pelikulang isinali niya sa naturang international filmfest.
Pinaghandaan ng producer ng BG Films ang event na iyun dahil sobrang proud siya at umaasang may maiuuwi siyang karangalan mula sa dalawang pelikula.
Mas pursigido siya ngayong mag-produce ng mga magagandang pelikula at hindi na raw basta indie film lang kundi pang-mainstream na rin.
Meron silang pinaghahandaang malaking project na ididirek ni direk Joel Lamangan.
“Malaking artista ito, pero hindi pa puwedeng sabihin kung sino. Surprise na, kasi ayaw rin ng artistang iyun na sabihin namin ngayon,” masayang tsika ni Ms. Baby Go.
Marami ang nagtataka kung gaano ba kahaba ang pisi ng BG Films. Bakit ang dami niyang nagagawang pelikula na karamihan ay hindi napabalitang nag-hit sa takilya?
Hindi raw sa mga sinehan lang siya umaasa kundi sa mga nabebenta niya sa international market at pati sa TV at video rights nito.
“Sa awa naman ng Diyos, kahit paano, meron kaming nabebenta, meron ding hindi na, pero nababawi naman namin sa ibang pelikula namin,” pakli ni Ms. Baby.
Natutuwa siya sa pelikulang Area ni Ai Ai delas Alas dahil kahit hindi ito gaanong kumita sa commercial showing, umani ito ng tagumpay sa international filmfests at nakatakda na itong ipalabas sa SM cinemas dahil naimbitahan itong i-showing sa Cine Local ng FDCP.

Kaya baka pagkatapos ng Our Mighty Yaya ni Ai Ai na pang-General Patronage, susundan ito ng Area niya na pang-R 18 naman.
May pinaghahandaan din ang BG Films na project na balak isali sa Metro Manila Film Festival.
“Meron kami ni direk Joel (Lamangan), ‘yung Maruming Hangin, about environment ito,” balita ng BG Films producer.
Pinaghahandaan na nila ito dahil hanggang June 15 lang ang deadline ng script sa MMFF, at umaasa silang makapasok ang script nila.
Kung hindi man mapili ang script nila, gagawin pa rin nila ito para makahabol ang submission ng finished product sa October 30.
Binubuo pa nila ang casting, pero nilinaw ni Ms. Go na hindi ito indie film.
“Gusto ko lang tuluy-tuloy na makagawa ng magandang movie at mabigyan ng parangal sa ibang bansa. Makilala ang BG Productions na hindi lang tayo isang Pilipino, na tayo ay gumagawa ng mahusay na movie na lumalaban sa ibang bansa,” sabi pa nito.