PURSIGIDO si Arnell Ignacio na makabuo sila ng grupo ng mga kaibigan niyang artista na willing magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Sa pag-iikot niya sa iba’t ibang lalawigan ng bansa, ang dami niyang nakilalang mga kaba­b­ayan natin na ang simple ng mga pangangailangan na hindi kailangang idaan pa sa tanggapan niya sa PAGCOR.

“Kasi, meron talagang lumalapit na immed­iate ang pangangailangan. ‘Yung ngayon, as in nga­yon na.

“Hindi namin kaya ‘yun. Kasi, sa amin, maraming documents,” pakli ni Arnell.

“So, meron kaming binubuong grupo ni Eileen (tawag niya kay Ai Ai de las Alas) na isa-submit ko sa kanila ang sitwasyon kung sino man ‘yung humihingi ng tulong.

“Kasama diyan sina Eileen, si Gretchen Barretto, and hopefully na sana sina Willie (Revillame), kung sino mang gusto pang tumulong.

“We cannot ask donations, kasi, hindi puwede ‘yun,” dagdag niyang pahayag.

Marami silang mga kaibigang nahihingan ng tulong pero hindi raw puwedeng basta na lang lapitan, kaya mas okay sana kung merong grupo na puwedeng mag-ayos para maiparating ang tulong.

“Yun lang kasi ‘yung humihingi ng tulong sa artista, hindi naman puwedeng ganu’n pa rin lagi ang kanyang mood.

Siyempre, nagtatrabaho ang tao, bibigyan mo siya ng problema, akala mo, masungit siya.

“Siyempre, i-timing mo. Kaya ako, i-submit ko sa kanila. Kung ano ‘yung timing nila, sige, balikan mo ako.

“Alam mo, kung sino ang tulungan mo, m­eron kaming evaluation,” dagdag na paliwanag ni Arnell.

Nasimulan na nila ni Ai Ai noon kung saan merong natulungan ang Comedy Queen na kailangang paoperahan.

May ilan pa silang kaibigan na gusto ring tumulong, kaya mas okay sana kung makabuo sila ng grupo.

Iyun ang isa sa napagtanto niya na iba talaga ang buhay sa labas ng showbiz, at ang simple lang ng mga problema at pangangailangan.

“Kaya ang mga taga-showbiz, kung anong meron kayo ngayon, huwag na kayo magdadala ng hugot ng kung ano mang problema ninyo.

“Alagaan n’yo ang career ninyo. Kasi, there’s really a different world outside of showbusiness.

“Kasi tayo dito, parang ang tagal nating sumaya. Ang dami pang hugot,” pahayag ni Arnell.

Siyam na buwan nang nanunungkulan ang comedian/TV host bilang AVP on Public Service and Community Relations ng PAGCOR.