MASAYANG ibinalita ni Ai Ai de las Alas kahapon na gagawaran siya ng Papal award na Pro ­Ecclesia et Pontifice.

Kung hindi kami nagkamali, si Ai Ai pa lang ang kauna-unahang artistang nabigyan ng natu­rang award mula sa ating Santo Papa.

Siya ang ipina-nominate ni Bishop ­Antonio Tobias na gawaran ng Papal award dahil sa pa­tuloy na pagtulong nito sa simbahan, at kahit patuloy siyang tumutulong, simple lang ang Comedy Queen na hindi na kailangang ipabalita o ipaalam sa lahat.

Ang nabanggit ng mga paring du­malo sa pa-presscon ni Ai Ai kahapon, si Maestro Ryan Cayab­yab ang isa sa showbiz na na­bigyan nitong Papal award.

Ano ba itong Pro Ecclesia et Pontifice (na nahirapan pa si Ai Ai na i-pronounce)?

Kapag papal ­awardee ka raw kasi, ­magiging bahagi ka ng papal household. Sa mga maha­halagang events ng simbahan sa Vatican ay imbitado na siya.

Sabi ni Bishop ­Tobias, “Ang award na ito ay hindi dapat tinatanggap nang pagmamalaki kundi pagpa­pakumbaba…

“Pero alam naman natin si Ai Ai na kahit siya ay artista, alam niyang mas mahalaga ang pana­nampalataya niya at pagmamahal niya at sa Inang Simbahan at Panginoong Hesukristo.”

Saad pa ni Ai Ai, “Ang tingin ko, meron pang plano si Lord for me na mas palawakin pa ‘yung gusto Niyang gawin ko sa simbahan at sa charity.”

Hindi raw niya alam kung ano ito, basta susunod na lang siya.

Aminado si Ai Ai na malaking challenge ito sa kanya na kailangan niyang harapin dahil alam niya na hindi lahat ng tao ay maiintindihan itong responsibilidad na ibinigay sa kanya.

“Hindi naman ako per­pekto. Marami akong pinagdaanan. Marami akong kasalanan.

“Pero sabi nga kanina sa sharing namin, ang church is a church of ­second chances. Mara­ming binibigay ang simbahan na pagpapatawad sa mga taong kagaya ko na hindi perpekto at nagkaka­sala,” pahayag ni Ai Ai.

***

Ang isa pang hamon na kailangan harapin ni Ai Ai ay ang pangako niya sa sarili na kailangan niyang tuparin.

“Marami rin akong igi-give up,” pakli ni Aiai.

ai-ai-gerald
             Ai Ai at Gerald

“Para sa akin ‘to, eh. Sinabi na sa akin ‘to ni Fr. Erick (Santos) pero bago niya sabihin, ginawa ko na ‘to para sa sa­rili ko na celibate ako until ikasal kami ni Gerald.

“Dinesisyunan ko ‘to. Hindi ‘to desisyon nila.

“Desisyon ko para sa sarili ko para karapat-dapat ako sa paningin ng Panginoon.”

Syempre, nag-react si Gerald, pero tinanggap niya ito nang maayos at sinabi sa kanya na hindi siya minahal dahil sa ­bagay na iyun.

“Matured naman niyang tinanggap. Sabi niya, marami pang bagay na minahal kita. Hindi lang ‘yun. Marami pa at mamahalin pa kitang lalo,” kuwento ni Ai Ai.

“Nagmamadali na siyang magpakasal, at magsu-solicit daw siya sa mga friends niya,” ­natatawa pa niyang ­kuwento.

***

Nilinaw na rin ni Ai Ai na bahagi na rin ng mga pagbabago sa kanya ay ang lubusang pagpapatawad sa lahat na mga nakasamaan niya ng loob at ang paghingi na rin ng patawad sa mga taong nasaktan niya.

Ani Ai Ai, “Lahat ng taong sinaktan ako, finorgive ko na sila at ako rin, humingi ako ng forgiveness sa lahat na mga taong nasaktan ko in any way, maliit man o malaki.”

Kasama na ba roon ang dating ‘friendship’ niyang si Kris Aquino na hanggang ngayon ay iniiwasan niyang pag-usapan para hindi na lumaki ang kanilang hidwaan?

“In my heart, finorgive ko naman siya noon pa. Mas lalo na ngayon,” sagot niya sa amin.
Kung sakaling magkita man sila, babatiin niya ito.

Nakatakda sa November 11 na mismong kaarawan ni Aiai ang pagawad ng naturang award kay Ai Ai.

Tinawag nilang ­Solemn Investiture ­Papal Award Pro Ecclesia et Pontifice na gagawin sa Cathedral of the Good Shepherd sa Novaliches, Quezon City.