MASAYA na si Mother Lily Monteverde sa first-day earnings ng pelikula niyang Our Mighty Yaya ni Ai Ai de las Alas na nagbukas kamakalawa.

Na-tweet ni Roselle Monteverde na kumita raw ito ng P6M sa first day.

Mahina ang ilang pelikulang nakasabay ng showing, at so far, mas okay itong Our Mighty Yaya.

Kaya nag-post na rin si Ai Ai sa Instagram ng pasasalamat sa patuloy na blessings sa kanya,

Inaasahang mas lala­kas pa ito sa weekend dahil pampamilya ito at G ang rating sa MTRCB, bukod sa Graded B ng CEB.

Wholesome na wholesome si Ai Ai sa Our Mighty Yaya, pero sa susunod na linggo ay ipala­labas uli ang mapangahas niyang pelikulang Area sa Cine Local.

Sa Mayo 19 hanggang 25 ito mapapanood sa mga sinehan sa SM MOA, SM Bacoor, SM Cebu, SM Iloilo, SM Megamall, SM Southmall, SM Fairview at SM North Edsa.

R-18 ito sa MTRCB kaya hindi ito napanood sa SM cinemas noong regular showing nito.

Kaya natuwa si Ai Ai pati ang producer nitong BG Films na kinuha ito ng FDCP para i-showing sa Cine Local.

Kamakalawa lang natanggap ni Ai Ai ang tropeo ng Best Actress na napanalunan niya sa ASEAN International Film Festival sa Malaysia.

Kasabay niyang tinanggap ito sa harap ng mga kaibigang movie press kasama si Ana Capri na Best Supporting Actress sa Laut, at ang Best Director na si Louie Ignacio.

Aminado si Ai Ai na malaki ang nabago sa akting niya.

Magaling siya sa Our Mighty Yaya, at marami ang nakapansin na ma­laki ang ipinagbago nito kumpara sa mga nagawa niya noon.

Pahayag ng Kapuso Comedy Queen, “I always pray in my every project na, ‘Lord, sana ma-appreciate nila ako dito na iba naman.’

“Kasi siyempre, in every project na ginagawa ko, iniisip ko ang mga tao na nangangailangan ng tulong ko, lalong lalo na ang pamilya ko at ‘yung mga charity na tinutulu­ngan ko.

“Kaya ginagalingan ko para marami pa ring taong kukuha sa akin.

“Parati, sinasabi ko, kailangang galingan ko dito para matuwa sila sa akin at mabigyan pa nila ako ng maraming projects.

“Marami pa naman akong akting na ilalabas, eh. Kapag manonood ako ng mga art film at saka mga pelikula, ‘yung iba ginagaya ko na, eh.

“Kasi, idol ko si Meryl Streep. Si Meryl Streep, iba-iba ang acting nu’n eh.

“Naloloka ako sa kanya. So, ginagawa ko ‘yung iba niyang istilo, at iniisip ko kung paano ko atakehin ‘yung ibang roles ko.”

***

Pang-mainstream na raw ang mga susunod na gagawin ng BG Films, sabi ng producer ng Area na si Ms. Baby Go.

Nagsumite na sila ng intensyon nila ng pagsali sa Metro Manila Film Festival, kaya hindi lang ito indie film.

Pursigido siyang isa­pelikula ang kuwento ng buhay niya at nakipag-meeting na siya kay Cong. Vilma Santos para alukin kung gusto nitong gawin ang pelikula niya.

Nagpasalamat siya nang dumalo siya sa meeting ng MMFF 2017, nagkita sila ni Cong. Vi at mainit silang tinanggap.

“Ang sarap ng feeling na katulad ni Cong. Vilma Santos na pagpasok pa lang namin, talagang welcome na welcome kami. Mainit ang pagtanggap niya sa amin,” masayang kuwento ni Tita Baby.

Inalok nila sa Star For All Seasons ang naturang project at open si Vilma sa magandang ideya na iyun.

“Gusto raw niya kasi makagawa ng isang pelikula na talagang… katulad nitong kuwento ng buhay ko na sabi niya, ‘Sige, basta ipadala agad sa akin ang script.’

“Eh si Ricky Lee naman ang magsulat, at kilala naman niya ang mga direktor, sina direk Joel Lamangan, Mel Chionglo, si direk Louie Ignacio.

“Sabi niya kasi, gusto niya, isang beses lang gumawa ng isang movie sa loob ng isang taon,” saad pa ni Tita Baby.

Kaya nai-excite siya na baka tanggapin ni Cong. Vi ang project niya dahil naniniwala siyang maganda ang script ni Ricky Lee.