Ai Ai ‘ipapakulong’ ang bashers ng dyowang si Gerald

RAMDAM namin ang sobrang sama ng loob ni Ai Ai delas Alas nu’ng naka-text namin siya kahapon. Tinanong namin siya sa ipinost niyang palitan ng text nila ng kanyang abogado, dahil balak niyang magdemanda sa mga namba-bash sa partner niyang si Gerald Sibayan.

Magmula nu’ng ibinalitang pagpapakasal nila sa December 12, kung anu-anong panlalait ang natatanggap ni Gerald.

View this post on Instagram

Swerte mo talaga ang GANDA KO !!! Hahaha @gerald_sibayan

A post shared by AIAI DELAS ALAS (@msaiaidelasalas) on

“Nagtanong ako sa lawyer ko dahil ang aking magiging asawa ay pribadong tao. Nagkataon lang na si Gerald Sibayan ay naging kasintahan ko at mapapangasawa sa darating na Disyembre…bilang kanyang magiging maybahay ay karapatan kong ipagtanggol siya sa mga taong walang magawa kundi mag-internet na ginagamit sa kasamaan ang kanilang daliri at isip para sa inyo ito…mahal kong darl @gerald_sibayan,” sabi ni Ai Ai.

Tinanong ko si Ai Ai kung ano ang pinakamasakit na pamba-bash ang natanggap ni Gerald, at bakit naisipan nilang magdemanda.

“Sanay naman ako ‘yung matanda na papalitan ako ng bata, pera-pera mga ganu’n, ‘di ako nasasaktan. Ang nasasaktan ako, may isang nagsabing ‘ayaw maghirap ng batang ‘to, magtrabaho kasi’.

“Ako nakakakita kay Gerald, 4 a.m. pa lang gising na ‘yan kasi nagko-coach sa mga bata ng badminton. After nun, sa tanghali, nag-one-on-one ‘yan nagtuturo. Sa hapon, nagtuturo na naman sa San Sebastian. Naninigas na kamay niya sa kaka-feed ng bola,” text ni Ai Ai sa akin.

Pinag-aralan nila ‘yung mga bashers na ito, at ang iba ay mga fake accounts naman, at ang iba ay nagbubura na. Pero may mga ilang legitimate na accounts na kung makapanghusga ganu’n-ganu’n na lang.

Kaya pursigido siyang ituloy ang kaso, kahit na mag-sorry pa raw sila. Pribadong tao raw si Gerald na walang kalaban-laban kapag alipustain nila nang husto.

“Magiging asawa ko si Gerald. Ako kasi ‘di ako pumapatol sa mga bashers, kasi lugi kami, eh ‘yung iba fake.

“‘Yung mga iba na legit ‘yung sasampulan ko kasi ‘di ka naman puwede magdemanda ‘pag hindi legit ‘yung link. ‘Yung mga legit na account na magbura, natakot siguro.

“‘Yung tao, walang kalaban-laban, ‘pag private na tao. Puwede palang magkaso ng ganu’n kasi nilalait nila ang buo mong pagkatao.

“Libel ‘yun, kaya ako ang lalaban para sa asawa ko…kahit kanino sa pamilya ko ‘pag inaapi, ako lumalaban.

“Nakita ko naman ‘yung kalaban ni Sancho dati, ilang beses nag-sorry,  nu’ng una kinalaban kami, dinemanda pa ‘yung batang nag-witness kay Sancho, ngayon ayun convicted na ‘yun, ‘di na makapag-abroad.”

Sobrang unfair daw kay Gerald na i-bash o i-bully ng ganu’n na lang na hindi naman ganu’n kakilala. Unfair din daw sa kanya na ganu’n na lang ang tinging sa kanya, kaya siya pakakasalan dahil lang sa pera.

“Matinong tao at pamilyang pinanggalingan si Gerald. Minsan naiisip ko din bakit puro pera lang? ‘Di ba ako mabuting tao, maasikaso, mabait, mapagmahal? Kailangan ba pera lang lahat ang magugustuhan?”

Sa ngayon kasi ay abala pa si Ai Ai sa promo ng pelikula niyang Bes and the Beshies dahil sa October 18 na ang showing nito. Pero paglalaanan daw niya talaga ng oras niyang magsampa ng kaso laban sa mga taong nang-alipusta at nambu-bully kay Gerald.