KALALABAS lang namin sa isang establishment sa Timog Avenue, Quezon City nang batiin kami ni Mark Herras na sakay ng kanyang kotse na nakaparada sa tabi ng kalsada.

“Tito Jun!” bati sa amin ni Mark at saka lumabas ng kanyang kotse.

Niyakap pa kami ni Mark sa biglang pangungumusta.

“O, malapit ka na raw ikasal (kay Winwyn Marquez)?!” kaagad na pang-uusisa namin kay Mark.

“Hindi pa po. Matagal pa!” sagot naman niya.

“Baka naman secretly married na kayo ni Winwyn, ha?!” pang-uusisa pa namin.

“Hindi po!” madiing sagot ni Mark at nagpaalam na kami sa kanya.

***

Nagkita kahapon sa Eat Bulaga studio ang dating hosts ng Ruffa and Ai (ABS-CBN) na sina Ruffa Gutierrez at Ai Ai de las Alas.

Sobrang na-miss nina Ruffa at Ai Ai ang isa’t isa.

Pagkatapos ng Jackpot En Poy segment ni Ruffa, deretso kaagad ang TV host/actress sa dres­sing room ni Ai Ai.

“Ruffie, na-miss kita!” tili kaagad ni Ai Ai.

Naalala kaagad ni Ai Ai ‘yung Ruffa and Ai days nila ni Ruffa.

“Natatandaan mo ba, Ruffie noon, tinatanung-tanong pa kita on cam kung kayo ba talaga ni John Lloyd (Cruz), nagde-deny ka pa, eh, inamin mo na naman sa akin sa dressing room.

“Hahaha!” natata­wang pag-alala ni Ai Ai sa ABS-CBN days nila ni Ruffa.

Ruffa at Ai Ai
Ruffa at Ai Ai

Kung anu-ano pa ang napagkuwentuhan nina Ruffa at Ai Ai, kaya ang sabi tuloy ng huli, “Dapat magkaroon tayo ng talk show (rito sa GMA 7). Tutal, pareho tayong nandito na sa GMA 7!”

“Oo nga. How exciting!” sey ni Ruffa.

Sabi namin sa dalawa, ipaparating namin kay Ms. Lilybeth Rasonable ang bagay na ‘yon.

“Sige, sige!” susog pa ni Ai Ai.

Napagkuwentuhan din ng dalawa ang tungkol sa nalalapit na kasal ni Ai Ai kay Gerald Sibayan.

“Magpapakasal ka uli? Buti ka pa!” sey ni Ruffa.

“Naku, Ruffie, invited ka, ha! Attend ka. Reserve mo na. Pakilagay na sa schedule mo December 12. Jun, sulat mo na sa schedule ni Ruffa ang December 12,” baling naman sa amin ni Ai Ai.

The way na ikuwento ni Ai Ai kay Ruffa ang tungkol sa nalalapit niyang pagpapakasal ay sobrang na-excite ang star ng reality TV series ng E! international cable network.

Kinumusta rin ni Ai Ai ang lovelife ni Ruffa.

“Kayo pa rin ba, ‘yung ikinukuwento mo sa akin noon?!” pang-uusisa ni Ai Ai kay Ruffa.

“Oo, siya pa rin. My gosh, ang tagal na rin pala namin ni Jordan (Mouyal).

“I remember, naikuwento ko nga pala siya noon sa ‘yo,” tsika pa ni Ruffa.

Naku, kung hindi lang magja-judge si Ai Ai sa #DabarkadsGoals ay makikipagtsikahan pa sana nang matagal si Ruffa, pero ang usapan na lang nila, magkikita sila para sa mas mahaba-habang tsikahan.

“Isama natin si Tito Boy (Abunda). Miss ko na rin siya. Ang tagal na naming hindi nagkikita’t nagkakatsikahan,” sey ni Ruffa kay Ai Ai.

In fairness kina Ruffa at Ai Ai, kahit ang tagal nilang hindi magkita, kapag nagkukrus ang kanilang landas ay sobrang friendship pa rin silang dalawa.

Wala kang mariri­nig na sinasabi si Ruffa against Ai Ai at gayundin ang comedienne sa una.

“Nakakaaliw kausap si Ai Ai. Hahaha!” sey ni Ruffa nang makasakay na kami sa kanyang kotse.

Sa Lunes ng 8:30 PM ang pilot episode ng 5th season ng rea­lity TV ­series ng pamilya Gutierrez.

Magkakaroon sila ng viewing party sa Bonifacio Global City at balak ni Ruffa na imbitahan doon si Ai Ai.