Airborne transmission ng coronavirus ‘di pa sigurado

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na wala pang katiba­yan na klinasipika na ng World Health Organization (WHO) bilang airborne transmission ang 2019 novel coronavirus.

Sinabi ni Department of Health Undersecretary Eric Domingo sa isang press briefing na wala itong batayan at pinag-aaralan pa ng WHO.

“Sa ngayon ay walang kumpirmadong kaso na airborne transmission ang 2019 nCoV-ARD,” ayon kay Domingo.

Kaugnay nito, sinabi ng ilang medical expert sa China na maaari nang mahawa ang isang indibidwal ng nCoV sa pamamagitan ng aerosol transmission bukod sa direct at contact transmission.

Sinabi ni Zeng Qun, deputy head ng Shanghai Civil Affairs Bureau, posible ang aerosol transmission kapag nahalo ang 2019 nCoV-ARD sa mga droplet sa hangin para maging aerosols, na maaaring magdulot ng infection kapag malanghap ng isang tao. (Juliet de Loza-Cudia)