Aiza lakas makapeke

Mga laro sa Martes: (FilOil Flying V Centre)
5:00pm — Chery Tiggo vs PLDT
7:00pm — Marinerang Pilipina vs Generika-Ayala

Halos mahulog sa kinauupuan ang isang fan ng Petron Blaze Lady Spikers­ matapos ang makapigil hiningang drop ball ni veteran Aiza Maizo-Pontillas kahapon sa second­ game ng Philippine Superliga Grand Prix na ginanap sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Lumundag na parang hahatawin ng malakas ni Pontillas ang bola pero nag-iba ng diskarte sa ere at malamyang tinapik lang ito upang ikahon ang 25-17, 25-22, 25-21 panalo ng Lady Spikers laban sa Chery Tiggo Crossovers.

Nanatili sa tuktok ng liderato ang defending champion Petron na may malinis na dalawang panalo habang nalasap ng Crossovers ang unang talo sa dalawang laro.

“Akala ko papaluin ng malakas ni Aiza (Pontillas) iyong bola, kaya naghahanda na akong tumalon kapag umiskor,” kuwento ni Ellaine Baldomero, pana­tiko ng Petron. (Elech Dawa)