Ako idemanda n’yo – Cayetano

Handa si House Speaker Alan Peter Cayetano na harapin ang lahat ng kaso hinggil sa mga gastos ng pagho-host ng Pilipinas ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Sinabi ito ni Cayetano matapos mabatikos sa P55 milyong halaga ng stadium cauldron na binansagang ‘kalderong ginto’; sa P26.5 milyong talent fee ng Black Eyed Peas na kakanta sa closing ceremonies ng SEAG sa New Clark City sa Capas, Tarlac at sa iba pang kontrobersya.

Si Cayetano ang punong abala ng regional multi-sport event bilang head ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc).

Nakiusap si Cayetano na habang hindi pa tapos ang SEA Games, dapat ay manahimik muna ang oposisyon at mga kritiko at suportahan ang ating mga atleta.

“After the games kahit araw-arawin niyo ako, ako ang haharap, ako ang sasagot. Kung may kaila­ngang idemanda, ako idemanda niyo. Pero huwag before and during the Games. E araw-araw nasa TV eh,” diin ng House Speaker.

Tinatayang P1.5 bilyong pondo ang binigay ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Phisgoc kung saan inamin ni Cayetano na hindi dumaan sa bidding ang mga pinagkagastusan nila.

Kabilang sa pumuna sa P55 mil­yong kaldero ay si Senate Minority Leader Franklin Drilon, miyembro ng Liberal Party (LP) na pinamumunuan ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at Vice President Leni Robredo.

Buwelta ni Cayetano, hipokrito ang mga miyembro ng oposisyon dahil noong termino ni Aquino ay P10 bilyon ang ginastos sa pagho-host ng Pilipinas sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) noong 2015.

Hindi naman pinalagpas ni dating Presidential Spokesperson Abigail Valte ang pasaring ni Cayetano sa P10 bilyong gastos sa APEC Summit
“It’s a shame Speaker Cayetano has chosen to equate fulfilling our international commitment of hosting APEC (one which brought the country positive attention) to what Rep. Salceda refers to as an “Imeldific” kaldero,” tweet ni Valte.

Tiniyak na ni Drilon na paiimbestigahan niya sa Senado ang P55 mil­yong kaldero at ang iba pang gastos sa pagdaraos ng SEA Games sa bansa.

“We will look at every angle, whether or not there is propriety, luxury, graft or corruption,” diin ni Drilon sa interview ng ANC.

Umabot sa P10.5 bilyon ang ginastos sa konstruksyon ng New Clark City at iba pang pasilidad at P5 bil­yon sa pagho-host ng nasabing event. (JC Cahinhinan)