Pinakakansela sa Commission on Elections (Comelec) ang akreditasyon ng isang party-list group na nanalo sa nakaraang May elections dahilan sa patuloy na bangayan sa pagitan ng mga ito.
Sa isinumiteng sulat ng isang ginang na si Cecille Lopez, 62-anyos, kay Comelec chairman Andres Bautista, hiniling nito na kanselahin nang tuluyang ang akreditasyon ng Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines (Senior Citizens).
Nakasaad sa liham nito na milyun-milyong mga matatandang Filipino ang nawawalan at nananakawan ng oportunidad dahil sa pag-aawayan ng mga kinatawan ng nasabing party-list group sa kabila ng nanalo ito sa nakaraang eleksyon.
Giit nito, naisasantabi ang karapatan ng mga sektor ng mga senior citizens sa buong bansa dahil sa mga ito.
“Hindi pa rin sila makapagluklok ng kinatawan nang dahil sa awayan sa kanilang hanay. Paulit-ulit man silang nanalo, hindi nila magawang makapagpuwesto ng kinatawan sa Kongreso. Kung ganoon po ay paano ba sila naiba doon sa mga talunan sa eleksiyon?
Doon sa mga kinansela na ang rehistrasyon? Sa tingin ko po, pareho lang dapat ang turing sa Senior Citizen Party-list. Hindi po natin ito dapat palampasin,” ayon kay Lopez.