Aksidente at mga bata

Dear Dream Catcher,

Sunod-sunod po ang panaginip ko tungkol sa bata. Buntis po ako ngayon kaya baka may koneksyon ito sa mga panagnip ko. Sa panaginip ko, magkasama kami ng daughter ko malapit sa dagat na may mababaw at may malalim na parte.

Sinabihan ko po anak ko na doon lang siya sa mababaw pero tumakbo siya at napadaan sa malalim hanggang sa nakita ko siyang lumubog. Kahit ‘di ako marunong lumangoy, sinagip ko po siya at CPR ko siya para mailabas niya nainom na tubig. Takot na takot po ako dahil sa panaginip na iyon. Tapos napanaginipan ko next day ang apo ng kapatid ko na 2 years old pa lang.

Nasa bubungan daw ang bata at natakot ako na baka mahulog siya at iyong nga, nahulog ang bata at hindi ko siya nasalo pero nasalo naman siya ng tita ko kasi nagkauntugan sila kaya nabukulan ang bata. Pero mabuti po at ligtas naman siya. Natatakot po ako na bakit puro bata ang napapanaginip ko at laging may aksidente. Ano po ang ibig sabihin ng mga panaginip ko at konektado kaya ito sa aking pagbubuntis?

Sherill

Dear Sherill,

Maraming sinisimbolo ang panaginip tungkol sa mga bata at ikaw ang nasa pinakamagandang posisyon para matukoy ito.

Kadalasan ang bata sa panaginip ay sumisimbolo ng “inner child” mo.

Halimbawa sa iyong panaginip ay nakita mo ang isang bata na nahihirapan, puwede mo itong ikonek sa iyong sitwasyon kung saan ikaw ang nahihirapan.

Sa panaginip mo, una ay nakita mo ang iyong anak na nalulunod pero nasagip mo siya. Ikalawa, nakita mo ang apo ng iyong kapatid na nahulog sa bubungan at may nakasalo naman sa kanya.

Kung ikokonek mo ang panaginip na ito sa iyong kasalukuyang sitwasyon, puwede nating ikonsidera na meron kang takot na nararamdaman dulot ng iyong pagbubuntis. Kung sa tunay na sitwasyon mo ay nakikita mong malaking pagbabago ang idudulot ng iyong pagbubuntis dahil dagdag na gastusin ito, dagdag na responsibilidad. Kung kinatatakutan mo ang mga madadagdag sa iyong buhay, dito mo maikokonek ang iyong panaginip.

Pero kung hahanapan mo ng positibong anggulo, ang bawat aksidente ay naagapan, nagawan ng solusyon: Ang nalunod ay nasagip, ang nahulog ay nasalo. Positibo ang mensahe nito dahil bagama’t kinatatakutan mo ang malaking responsibilidad sa pagkakaroon ng bagong baby, kumbinsido kang kaya mong harapin ito at kaya mong lagpasan lahat.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.