Aksidente sa Olongapo

Nasawi ang mag-ina sa isang malagim na aksidente habang himalang nakaligtas ang limang magkakapatid nang banggain ang kanilang sasak­yang traysikel ng isang closed delivery van kahapon ng umaga sa Barangay Old Cabalan, Olongapo City.

Kinilala ang mag-inang nasawi na sina Nilda Ramos, 48-anyos at John Ernel Ramos, 25-anyos. Masuwerte namang nakaligtas at nagtamo lamang ng minor injuries ang limang batang magkakapatid na pasahero sa loob ng naturang traysikel.

Sa impormasyon na nakalap ng TONITE, naganap ang aksidente bandang alas-11:50 ng umaga habang buma­bagtas ang driver ng traysikel na may plakang CP 28500 na si John ang highway sakop ng Barangay Old Cabalan angkas ang inang si Nilda.

Paliko umano sa kaliwang kalsada sa tulay ng Memorial Park ang mga biktima nang lumusot umano sa kanilang kanang bahagi ang paparating na van na may tatak na “Jay Maians Forever Bakeshop” at nabundol nito ang traysikel ng mga biktima.

Sa lakas ng impact ay tumama umano ang naturang traysikel sa paparating na Victory Liner bus (Body No. 1922) na nasa kabilang linya.