Aksiyon ng korte ang panlaban sa fake news

ely-saludar-broadcasters-view

Maituturing na isang propaganda lang ang sikat na sikat ngayon na fake news.

Nabago lang ang termino ngayon na kung ihahambing ang kahulugan ay halos magkapareho lang ang fake news at propaganda.

Noong mga nakaraang panahon, kapag ang isang opisyal ng gobyerno o pulitiko ay sinisiraan ay ang maisasagot lang dito ay propaganda lang ‘yan ng kalaban sa pulitika.

Pero ngayong panahon na at may makabagong teknolohiya ng lumutang ang impluwensiya ng social media ay nabago na ang taguri sa mga banat at paninira sa mga pulitiko at iba pang opisyal ng gobyerno at ito ay fake news na.

Ang masaklap lang naman ngayon ay minsan ay sumusobra na ang paninira sa social media at ang panlaban na lang dito ay tawaging fake news.

Hindi na kailangan pa ang mga bagong batas dito dahil mayroon ng Anti-Cybercrime Law na umiiral sa bansa.

Bukod dito ay maaari naman idemanda ang sinumang nanira ng kasong libel at iba pang akusasyon.

Naimbestigahan lang naman ng Senado ang isyu ng fake news dahil pitong senador na kaalyado ng administrasyon ang naapektuhan nito.

Pero matagal na may mga opisyal ng gobyerno ang binalahura ng mga blogger at biktima ng fake news o propaganda, paninira pero hindi kumilos ang mga mambabatas.

Ang magandang gawin ngayon ng mga biktima ng fake news ay agad sampahan ng kaso ang mga responsable dito upang maparusahan.

Kapag mayroong nakulong na blogger o sinumang res­ponsable sa fake news ay asahan natin na mababawasan ang mga aabuso dito.

Tiyak kasi na maraming matatakot na sa iresponsableng paggamit ng social media dahil alam nito na may katapat na kaparusahan.

Hindi na kailangan pa ang bagong batas sa fake news at sa halip ay hikayatin ang korte na maging mabilis sa pag-aksiyon sa mga kasong may kinalaman dito upang magsilbing babala sa publiko.