AKSYON NG CHINA SA WPS TITINDI KAPAG ‘DI PINABORAN

china-wps-ships

Nagbanta ang isang US senator na hindi malayong maglatag ng mas malawak na aksyon ang China sa West Philippine Sea sakaling hindi pumabor sa kanila ang desisyon na nakatakdang ilabas ng Permanent Court of Arbitration sa kasong inihain ng Pilipinas.

Ang babala ay ginawa ni Senator Bob Corker, chairman ng U.S. Senate Foreign Relations Commit­tee dahil sa patuloy na tensyon sa teritor­yong pinag-aagawan ng PH at China.

Kaugnay nito, inamin ni Corker na isinulong ng mga mambabatas sa Amerika ang dagdag na pagpapatrulya sa South China Sea.

Dagdag pa ng mambabatas, dapat mas maraming operasyon ang gawin ng Estados Unidos sa mismong reclamation ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo.

Inamin din ng senador na sa kabila ng mga pagpapatrulya ng US at pag-deploy ng military assets sa rehiyon ay hindi pa rin mapigilan ang reclamation ng Beijing.

Sa katunayan sinabi ni U.S. Deputy Secretary of State Antony Blinken na dinagdagan na nila ang pagpapatrulya sa disputed islands.

Pinakahuli ay ang pagpadala ng mga eroplanong pandigma ng Amerika sa Scarborough Shoal kung saan balak ng China na magtayo ng panibagong outpost. (AP)