Aktibo na naman ang mga riding-in-tandem

Nararamdaman ngayon ng ilan nating kababayan ang malaking pagbabago sa katahimikan at kaayusan sa ilang lugar sa Kamaynilaan.

Tulad na lamang dito sa service road mula Gil Puyat Avenue hanggang Vito Cruz. Tumapang daw ngayon ang mga riding-in-tandem sa naturang lugar na nang-iisnatch ng mga bag, cellphone at iba pang mahahalagang gamit ng mga nagdaraan. Kadalasang nambibiktima ang mga kawatan sa bandang hapon hanggang madaling-araw lalo na kapag uwian ng mga empleyado at guest sa mga hotel at club sa bisinidad.

At siyempre paborito ng mga riding-in-tandem na ito ang mga foreigner tulad ng Chinese, Korean at Hapon. Damay na rin ang mga Pinoy na empleyado ng mga hotel at club.

Hindi na lamang daw nagrereklamo ang karamihan sa mga biktima dahil ayaw nilang maabala bukod pa sa paniniwalang wala namang mangyayaring hustisya, hindi na maibabalik ang kanilang mga nawalang gamit at hindi rin mahuhuli ang mga kawatan.

Malakas ang loob ngayon ng mga masasamang elemento dahil wala na ang police visibi­lity mula nang mapalitan sa puwesto si General Guillermo Eleazar na dating hepe ng NCRPO. Noong nakapuwesto pa si Gen. Eleazar, tiniyak nitong 24 oras ang police visibility lalo na sa mga delikadong lugar.

Mukhang balik sa dating gawi ang mga kapulisan, malamang natutulog na naman sila sa pansitan kaya nagpi­pista na naman ang mga kawatan sa iba’t ibang lansangan.

Manawagan kaya tayo kay bagong NCRPO chief Gen. Debold Sinas at sa bagong SPD director at bagong hepe ng Pasay Police. Sana po ay gawin nating aktibo ang mga kapulisan sa ating mga nasasakupan. Kawawa po ang mga biktima at ang mga dayuhan tiyak na madadala nang bumisita dito sa ating bansa. Aksyon po ang ating kailangan NOW NA!

Dahil kung magpapatuloy ang ganitong kapabayaan, mabuti pang kay Gen. Eleazar na lamang tayo manawagan. Baka sakaling tayo’y mapakinggan!