Aktor palaasa sa mga kaibigan

male-personality-actor

KINAIINISAN ng marami ang pagiging palaasa ng isang kilalang male personality sa kanyang mga kaibigan. Tatanda na raw yata ang aktor sa ganu’ng ugali, nakasanayan na niya ang pagdepende sa kanyang mga katrabaho, samantalang mas malakas pa siya sa kalabaw na puwedeng magtrabaho.

Kapag meron siyang raket ay one day millio­naire ang aktor, gastos siya nang gastos, hindi man lang makaalalang ma­ngumusta sa kanyang mga kaibigan at katrabaho.

Pero kapag purdoy na naman, kapag wala na naman siyang raket, bigla niyang naalalang idayal ang telepono ng kanyang mga kasabayan para umamot ng tulong.

Kung minsan nga ay bumabantay na siya sa taping ng mga hinihingan niya ng ayuda, hindi na siya makapaghintay, siya na mismo ang kumukuha ng koleksiyon.

Kuwento ng aming source, “Maniniwala ka ba na kahit nasa taping siya ng paminsan-minsan niyang raket, pati ang production staff, e, inuutangan niya?

Ang drama niya, e, naiwanan daw niya ang wallet niya, wala raw siyang kapera-pera sa bulsa, maggagasolina pa raw naman siya kapag nag-pack-up na sila.

“Nababayaran niya naman ‘yun after a few days, pero naman! Utangan ba pati ang production staff? Sobrang kahihiyan na ang pinaggagagawa ng mokong na ‘yun na kapag may pera, ang akala niya na, Pasko araw-araw?

“’Yun ang palagi niyang ginagawa, inaabala niya pati ang mga nagtatrabaho niyang kaibigan, sino naman ang hindi maiinis sa naging ugali niya?” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Nakailang karelasyon na ang male personality na ito, iniwan siya ng mga babaeng naanakan pa nga niya, dahil sa sobra niyang katamaran. Pinalalampas niya ang magagandang oportunidad na kikita dapat siya, marami siyang kiyaw-kiyaw kung bakit ayaw niyang tanggapin ang proyekto, pero ang totoo ay tinatamad lang siya.

Sabi uli ng aming source, “Super-tamad siya, puro lang siya porma, ‘yun ang hirap kapag nagbibisyo ang tao. Pag trip niyang huwag guma­law, paasa-asa na lang siya sa mga kaibigan niya. Ayaw niyang magbanat ng buto!

“Sayang, matalino pa naman sana siya at mahusay umarte, pero ‘yun nga lang, kakambal na talaga niya ang sumpong at katamaran dahil sa bisyong hindi niya maitapun-tapon!” naiinis pa ring reaksiyon ng aming source.

Bisyo ni JM nawala na sa sistema

KUNDI pa Semanata Santa ay hindi namin kumpletong mapapanood ang pelikulang pinagbidahan nina Angelica Panganiban at JM de Guzman. Puro kuwento lang kasi ang aming naririnig, napalampas namin ‘yun sa mga sinehan, kaya hindi kami maka-relate.

Sanay na kaming masaksihan ang pagiging mahusay na aktres ni Angelica, pero si JM, ang una at huling pelikulang napanood naming nandu’n siya ay ang sa pelikula ni Eugene Domingo.

Magaling si JM, may mga mata ang aktor sa pagtatawid ng kanyang emosyon, isa kami sa pinakamaligaya sa kanyang pagbabalik na sa harap ng mga camera pagkatapos nang dalawang taon niyang pamamalagi sa rehabilitasyon.

Maraming salamat dahil dagdag na ngayon si JM de Guzman sa hanay ng mga artistang hindi lang basta guwapo kundi may bitbit na talento sa pag-arte. Nakapanghihinayang kung mawawalan lang ng saysay ang kanyang puhunan, kaya niyang makipagsabayan kahit kanino, salamat sa rehabilitation center na nagturo sa kanya nang matinding disiplina.

Bumalik na ang kumpiyansa ni JM de Guzman na matagal din siyang pinagdamutan. Walang ipinagbago ang kanyang itsura sa mga napapanood naming panayam sa kanya, harinawang magtuluy-tuloy na ang kanyang pangarap na muling maipakita ang kanyang talento na dati na namang kanya pero humulagpos lang dahil sa bisyong napagtagumpayan na niyang mawala sa kanyang sistema.