tonite-no-thanks-cristy-fermin

Sobrang ganda ng ka­looban ng isang kilalang male personality na pumasok din sa mundo ng pulitika.

Napakasaklap ng naganap sa kanyang buhay nu’ng kanyang kabataan.

Itinakwil siya ng pa­milya ng kanyang amang aktor, minaliit siya at pinagdudahan, tanging ang kanyang ina lang ang nakasama niyang lumaki.
Pagbabalik sa nakaraan ng isang source, “Nakakaawa siya dahil nu’ng lumabas ang katotohanan na anak siya ni ____(pangalang ng kanyang ama), e, agad nang kumontra ang isang kapatid niyang artista rin.

“Grabe siyang nilait-lait ng taong ‘yun, hindi raw sila magkadugo, gagamitin lang daw niya ang pangalan ng father niya dahil sa ambisyon niyang mag-artista.

“Kung anu-anong masasakit na salita ang ipinakain sa kanya ng half-brother niya, akala mo kung sinong magsalita ang taong ‘yun, pero may nagawa ba siya nu’ng mismong tatay na nila ang nagsabing, oo, anak nga niya ‘yung male personality.

“Tiklop ang bibig ng mayabang niyang utol, napahiya kasi siya, lalo na nu’ng magsalita na ang isang member ng family nila na talagang nirerespeto ng buong angkan nila,” pag-alala ng aming source.

Pero sa kabila ng kanyang mga natikman at naranasan ay hindi nagtago ng galit at sama ng loob ang male personality sa kanyang kapatid na may kaangasan.

Nag-artista siya, nakilala sa sarili niyang talento, pumasok siya sa mundo ng pulitika at nagkaroon ng posisyon sa sarili rin niyang kapasidad.
“Napakaganda ng puso ng male personality na ‘yun, ni hindi nga niya pinaghigantihan ang mga taong kumawawa sa kanya nu’ng bata pa siya. Kahit ‘yung maangas niyang kapatid, nirerespeto niya.

“Kaya naman maganda ang buhay niya, ginantihan siya ng kapalaran sa magandang puso niya, napakaayos ng pamilya niya,” pagtatapos ng aming source.

***

Eddie totoong patay na sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano’

Muli kaming nagkita ng nirerespeto naming premyadong aktor na si Tito Eddie Garcia sa pamamahagi ng parangal ng GEMS (Guild of Educators, Mentors and Students) na ginanap sa De La Salle Zobel nu’ng Miyerkules nang gabi.

Maligayang bati sa a­ming kasama sa panulat na si Alwyn Ignacio, pinalad kaming makopong muli ang parangal bilang mga manunulat, pareho kaming kolumnista ng pahayagang ito.

Maraming nagpaparetrato kay Tito Eddie nang dumating kami. Narinig pa naming sabi niya, “O, baka may mga gusto pang magpakuha ng picture?” Napaka-humble na personalidad.

Mahigpit kaming nagyakap. Miss na miss na namin ang magaling na aktor na naging mahalagang bahagi ng aming buhay nu’ng mga panahong inuulaol kami ng mga problema.

Diretso niya kaming tiningnan, ang kanyang sabi, “Bukas, sisikat uli ang araw and tomorrow is another day. Lahat ng pinagdadaanan mo ngayon, maiiwan na lang sa maghapong ito.”

Saglit kaming nagkuwentuhan, sa Ang Probinsyano na lang kasi namin siya napapanood, totoong pinatay na raw ang kanyang papel bilang si Don Gustavo sa serye.

“Pero hindi n’yo ako nakitang sumakay sa chopper, di ba? Kaya ang akala ng iba, e, buhay pa ako. By chance lang na may dumadaang chopper, du’n kunwari ako sumakay, saka nilagyan na lang ng mga effects na pinasabog ‘yun habang sakay ako,” kuwento ni Tito Eddie.

Pinarangalan ng GEMS bilang Natata­nging Hiyas Ng Sining Sa Pelikula si Tito ­Eddie. Wala nang iba pang sasaktong paglalarawan sa kanyang kahenyuhan bilang aktor kundi ang parangal na ibinigay ng GEMS.

Tunay namang mula nu’n hanggang ngayon ay nagniningning pa rin ang kanyang pangalan bilang bida-kontrabida. At hanggang sa kanyang edad ngayon ay kipkip niya ang respeto sa kanya ng buong industriya ng telebisyon at pelikula pati na ng mga manonood.

Ipinagmamalaki siya sa amin ng founding president ng GEMS na si Teacher Norman Mauro Llaguno. “Nu’ng perso­nal kong pinuntahan si Tito Eddie, magiliw niya akong inestima.

Napaka-humble niya. Ang sabi niya sa akin, ‘Yes, thank you, I will be there.’
“Kinumpleto niya ang araw ko. Napakabait niya, very accommoda­ting. At totoong-totoo ang pangako niya. Nandito siya ngayon para personal na tanggapin ang parangal sa kanya ng GEMS,” tuwang-tuwang sabi ni Teacher NL.

Maligayang bati sa henyong aktor na napa­kalapit sa aming puso.