tonite-no-thanks-cristy-ferminGAANO katotoo ang kuwentong lumulutang na ayaw ng pamilya ng isang guwapong aktor ang karelasyon niyang young actress? Mahaba ang kuwento.

Magmula raw kasi nang ma­ging girlfriend na ng guwapong aktor ang young female persona­lity ay marami nang pagbabagong naganap sa kanyang buhay.

Kuwento ng aming source, “Hindi nila gusto ang pagkagising sa katotohanan nu’ng personality. Dati kasi, e, nakukuha nila agad ang kahit anong magustuhan nila.

“Patay-katawan kung magtrabaho siya, samantalang ang kanyang pamilya naman, e, nagpapasarap lang sa buhay. Nakakaawa ang batang ‘yun, malalaki naman ang bulto ng katawan ng mga kapamilya niya, pero sa kanya na lang umaasa!
“Palibhasa, e, mabait ‘yung tao, kaya sinasamantala naman nila. Walang hindi ang male personality na ‘yun pagdating na sa family niya,” umpisang kuwento ng aming impormante.

Pero mula nang maging karelasyon niya ang young actress na nagpapaligaya sa kanya ngayon ay nakapansin na ng mga pagbabago sa kanya ang mga taong sa kanya lang umaasa.

Patuloy ng aming source, “Natural, naki­kita ng girl ang mga nangyayari sa buhay niya. Alangan namang pabayaan na lang ‘yun ng girl?

“Hindi naman siya nanghihimasok sa buhay ng pamilya ng boyfriend niya, pero kapag nakikita niyang nahihirapan na ang mahal niya, e, magsasalita na rin siya!

“Para sa ikabubuti rin naman ‘yun ng boyfriend niya, kasi, ‘yung karelasyon niya ang nahihirapan. So, ang feeling ngayon ng pamilya ng male personality, e, dinidiktahan niya ang boyfriend niya ng kung ano ang gagawin.

“Marunong na kasing humawak ng pera ngayon ang guwapong aktor, pinag-iisipan na muna niyang mabuti kung ibibigay niya ang hinihingi ng mga kapamilya niyang nagpapalapad lang ng katawan.

“Kaya ipinararamdam ng family niya na kontra sila sa girl. Bad influence daw kasi, dahil hindi na nila nakukuha nang mabilisan ngayon ang gusto nila sa kapamilya nila,” naka­taas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Vice bigong lagpasan ang P900M kita ng KathNiel

SA huling sigaw ni Vice Ganda ay nakaka-150 million na ang kanyang Fantastica. ‘Yun ang kanyang paraan ng pagsasabi kung nakakamagkano na ang lahok niya sa MMFF.

‘Yun ang barometro ng kanyang pasasalamat sa ating mga kababayang pitong taon nang hindi nagpapabaya sa kanya basta may pelikula siya sa MMFF.

Biro lang naman siguro ang sinabi ng sikat na komedyante na kailangan niyang malampasan ang 900 million na kinita ng The Hows Of Us nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo pero sineryoso ‘yun ng iba.

Mananatiling ilusyon na lang daw para kay Vice Ganda ang kanyang ambisyong malampasan ang inirehistrong kinita ng pelikula ng KathNiel.

At totoong mahirap lampasan ‘yun. Kahit pa magpagulung-gulong si Vice mula sa Monumento hanggang sa Baclaran ay hindi niya makikita ang solusyon kung paano niya magagawang higitan ang kinita ng The Hows Of Us.

Masuwerteng becki si Vice dahil hawak niya ngayon ang numero bilang nangunguna sa takilya sa walong kalahok sa MMFF. Oo nga’t may mga nagsasabing hindi naman kalayuan ang agwat niya sa Jack Em Popoy nina Bossing Vic Sotto at Coco Martin ay nagsasa­lita pa rin ang katotohanan na ang Fantastica ang nasa ituktok ng tatsulok.

Hindi raw maganda ang pelikula, sabi pa ng iba, pero kahit kailan naman ay walang sinabi si Vice sa kanyang promo na panlaban sa pagandahan ang Fantastica.

Malinaw ang madalas niyang sabihin na kung gustong humalakhak at tumawa nang tumawa ng manonood ay unahin nila ang Fantastica.
Ganu’n lang.