
Maraming natutuwa dahil bumitiw na sa pagkukuwento ang isang magandang female personality tungkol sa kanyang mga kontrobersiyal na kaibigan. Siya na ang bumibida sa mga kuwento ngayon, hindi na ang mga kaibigan niya, na pakiramdam ng marami ay sinasawsawan lang niya ang popularidad.
Kung sinuman ang nagpayo sa aktres na huwag nang isinisingit sa kanyang mga interview ang kanyang mga kaibigan ay dapat lang papurihan at palakpakan.
“O, ‘di ba, mas maganda kapag buhay niya ang ikinukuwento niya at hindi buhay ng bestfriend niya?
Nakikisakay lang kasi ang image niya dati, gusto lang niyang magkaroon ng publicity, kaya palagi siyang nagkukuwento tungkol sa kalagayan ng kaibigan niya.
“Ngayon, e, umiiwas na siyang magsalita tungkol sa bestfriend niya, tama lang ‘yun! May nagaganap naman sa career niya ngayon, may serye siya, ‘yun na lang ang pagtuunan niya!
“Dati kasi, kahit hindi naman kailangan ang opinion niya, e, puro pagtatanggol ang ginagawa niya, happy daw ang bestfriend niya, maligaya raw sa piling ng sikat na aktor, blah-blah-blah!” umpisang kuwento ng aming source.
Napapansin na siya ngayon dahil sa magandang exposure niya sa isang serye. At kinakampihan siya ng manonood, kinaaawaan siya, hindi man siya ganu’n kagaling umarte ay nakakaawa siya sa palabas.
“Kaya tantanan na niya ang pagkukuwento tungkol sa bestfriend niya. Buhay ng kaibigan niya ‘yun, hindi niya naman buhay, kaya tumigil na siya. May sarili naman siyang katangian na maipagmamalaki niya, kaya tutukan na lang niya ang beauty niya at hindi ang beauty ng iba,” sinsero pang pagbibigay ng payo ng aming impormante sa female personality.
Coco doble kayod sa bagong kalaban
May bagong sagupaan na namang magaganap sa primetime. May challenger na naman si Coco Martin, kumbaga sa boksing, at pagtutulungan pa siya ng dalawa.
Pang-ilang serye na ito ng GMA-7 na itatapat sa FPJ’s Ang Probinsyano. Mula ngayong gabi ay magsusukatan naman ng lakas ang serye ni Coco at ang paghahawak-kamay nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo sa Cain At Abel.
Pero tulad sa boksing uli, lahat ng nakasagupaan sa oras ng Ang Probinsyano ay pumlakda, lotlot, nagsasarado nang mas maaga kesa sa plano.
Pero tulad ni Alden Richards na tumapat din kay Coco ay walang kayabang-yabang si Dingdong Dantes. Magaling lang itong magbigay ng opinyon pero ang angas ay hindi nito imahe.
Malusog na laban lang ang magaganap, sabi ng mister ni Marian Rivera, na ang panalo ay ang manonood. Mas maganda nga namang may pinagpipilian ang mga kababayan natin ng kung anong serye ang mas gusto nilang tangkilikin.
Pinagpapaguran nilang pera ang ipinambabayad nila sa kuryente, hindi nila ‘yun pinupulot lang sa kung saan, kaya kung anong programa ang sa pakiramdam nila’y mas maganda ay dapat lang na du’n sila.
Kailangan dobleng kayod ang gawin ng Ang Probinsyano ngayong meron na naman silang bagong katunggali. Ganu’n naman talaga, ang mayhawak ng belt ang kailangang maghanda, matalo man ang palabas nina Dingdong at Dennis ay wala namang mawawala sa kanila.
Pero kapag ang kampeon ang naagawan ng sinturon ay ibang usapan na. Aksiyon ang hinihingi ng manonood sa Ang Probinsyano na kailangan nilang ibigay para hindi gumalaw pababa ang kanilang numero sa rating.
Pagpansin kasi ng isang kaibigan namin sa mga huling eksena ng palabas, “Bakit ganu’n? Kain na lang nang kain ang mga miyembro ng Vendetta? Puro eksena na lang habang kumakain sila ang napapanood natin?”
Ha! Ha! Ha! Ha!