tonite-no-thanks-cristy-fermin
MAY sariling mundo ang isang hindi na kabataang aktres pero hindi pa rin naman matatawag na matanda na. Magaling siyang umarte. Marami na siyang tinatanggap na parangal dahil sa kanyang talento.
May ugali siyang hindi ka­yang sakyan-sabayan ng kanyang mga katrabaho. Kapag ayaw niyang magsalita ay walang makapipilit. Nag-iisa lang siya palagi sa mundong ginagalawan niya.
Sabi ng isang source, “Magsasalita lang siya kapag meron siyang reklamo. Tama, reklamadora nga siya. Marami siyang question. Marami siyang kinokontra. Magaling nga raw kasi siyang artista, e!
“Magsasalita lang din siya kapag may gusto siyang tarayan. Hindi siya marunong magpahalaga sa effort ng kapwa niya. Palaging kulang sa panukat niya ang kahit sino.
“Kasi nga, e, napakagaling niyang artista! Siya lang ang perfect! Siya lang ang may korona sa aktingan, runner-up lang ang lahat ng mga katrabaho niya!” inis na kuwento ng aming source.
Isang araw ay nakita siya ng mga kababayan natin na namamasyal sa isang mall na parang kagigising lang niya. Wala siyang kaayos-ayos. Ganu’n daw kasi ang magagandang tulad niya. Walang kailangang make-up.
“May sariling mundo nga siya, e! Kung ano ang gusto niyang gawin, e, walang makakokontra kahit pa ang mga magulang niya! Ano bang artista siya na kailangang nakaayos kapag lumalabas ng bahay nila?
“E, sa ayaw nga niya, e! Tama na raw ang natural niyang ganda, sapat na raw na maganda siya, kaya ano ba ang pakialam sa kanya ng iba? Ganu’n katindi ang ugali ng babaeng ‘yun!
“Hindi raw kasi siya plastic, totoong tao raw siya, kaya galit na galit siya sa mga plastic!” pagtatapos ng aming source.
E, di goooooo!!!!!!
***

Kris nagsampa ng libelo

KASAMA ang kanyang mga abogado ay sa Department of Justice (DOJ) na nagsampa ng kasong libelo si Kris Aquino laban sa kapatid ng dating partner niya na si Nicardo Falcis.
Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay hindi pa namin nababasa nang detalyado ang complaint affidavit ng aktres-TV host pero siguradong may kinalaman din ‘yun sa nilalaman ng kanyang mga dating isinampang asunto laban sa pinagkatiwalaan niyang business partner.
Ang bago lang ay ang demanda niya kay Attorney Jess Falcis na 9 counts of libel na sa kagustuhang ipagtanggol ang kanyang kapatid ay nag-post nang nag-post ng kanyang mga opinyon at saloobin na direktang nakapanakit sa damdamin ni Kris.
Hanggang ngayon ay nasa Thailand pa rin si Nicko, uuwi lang diumano ito kung iuurong ni Kris ang mga kasong isinampa laban sa kanya, na siyempre’y hindi naman susundin at pahihintulutang mangyari ng kampo ng TV host.
Humihingi ng SPA mula kay Nicko ang mga abogado ni Kris para ang kanyang ina at kapatid na ang humarap nu’n para sa isang amicable settlement pero walang ibinibigay si Nicko.
Kailangan daw munang iurong ni Kris ang mga demanda bago ito umuwi ng Pilipinas para harapin ang mga kaso dahil baka raw ipapatay ito ni Kris.
“Impossible condition!” ang tawag ng mga abogado ni Kris sa hinihingi nito, “He wants to sign the compromise agreement personally in the Philippines. Pero the cases have to be dropped muna para makauwi siya. Takot daw kasi siyang makulong.”