Nakakapanibago ang mata ng bidang babae sa isang local movie.

May mga eksena na ang laki-laki ng kanyang mga mata. Nagtataka ang mga nakakakilala sa kanya mula ulo hanggang paa dahil hindi naman ganyan dati. Tinalo niya ang mata ng kuwago sa laki.

‘Di malaman kung sadyang pinalaki ng direktor ang mga mata ng aktres gamit ang makabagong editing para ma-highlight ito sa isang eksena. Pero may nagtatanong din kung pinaretoke ba ito ni aktres?

Yun lang naman ang napansin ng mga nanood pero pagdating sa performance ay hindi matatawaran ang galing ng aktres na ito.

Ito yata ang pinakamatindi niyang pelikula at inilaban pa sa abroad.
May pagka-true-to-life ang character na ginampanan ni aktres na nangyari sa isang era sa bansa natin.

Sino si aktres? Well, medyo matagal-tagal na rin siya sa industriya. Alaga pa rin siya ng isang network.

Bukod sa pag-arte ay una siyang nakilala sa pagkanta.

Pagdating sa lovelife ay walang gaanong nababalita sa kanya. Never siyang nagkaroon ng hayagang relasyon mapa-aktor man o non-showbiz. ­(Timmy Basil)