tonite-no-thanks-cristy-fermin

Tawa nang tawa ang aming mga impormante sa kuwentong nakarating sa kanila tungkol sa isang maganda pero pasaway na female personality. Pinili niyang manirahan sa isang malayong lugar para hanaping ang peace of mind daw.

Matagal din siyang nanirahan du’n na parang ordinaryong mamamayan.

Wala siyang pakialam sa kanyang itsura kapag lumalabas siya ng kanyang tirahan.

Kuwento ng isang source sa umpukan, “Ang ganda-ganda niya, di ba? Walang mali sa face niya! Kaya lang, dahil may kalamigan sa place na napili niya, e, parang nakalimot na siya sa personal hygiene!
“Alangan namang tumagal siya du’n nang hindi naggo-grocery at namamalengke, di ba? Lumalabas din siya, siyempre! Pero hindi na siya nag-e-effort.

Maganda na nga naman siya, e, ano pa ang kailangan niyang gawin?

“Kaso, nakakalimot siya na artista siya, maraming pumapansin sa kanya. Minsan, lumalabas siya ng bahay na hindi man lang nagsusuklay! E, ang hair pa naman niya, suklayin ‘yun dahil nakasamborga!

“Minsan, parang hindi man lang siya naghihilamos dahil may mga muta-muta pa siya sa mata! Naku, ang mga miron pa ba naman ang hindi makakapansin du’n?
“Natural, maraming nakatutok sa kanya, inuurirat ang buhay niya, sa totoo lang!” unang kuwento ng source.

At marunong na siya sa buhay, nakikipagtawaran na siya, kaya nga lang ay napakalayo ng tawad niya sa puhunan.

Ang ikawalang impormante naman ang may kuwento, ang sabi nito, “Normal na buhay ang hanap niya, kaya lahat-lahat, e, siya ang gumagawa. Siya mismo ang namamalengke!

“Pero pinagtatawanan siya ng mga tagaroon dahil parang hindi niya alam ang presyo ng mga bilihin. Palibhasa, e, kain lang naman siya nang kain nu’ng nasa kanila siya, kaya parang nagtataka siya sa mga presyong naririnig niya!

“Kunwari, ang isang tali ng kangkong, e, sampung piso ang presyo, ang tawad niya, e, tatlong piso, naloloka sa kanya ang mga tindera! Pinagtatawanan talaga siya!

“Ayun, nagsawa na siya sa lugar na ‘yun, sa ibang probinsiya naman siya naghahanap ng babaratin kapag namamalengke siya!” humahalakhak na kuwento ng source.

Arnell nadurog ang puso sa mga OFW

Aminado si Arnell Ignacio na mula nang maging kinatawan na siya ng OWWA sa mga bansang problemado ang mga kababayan nating OFW ay lumipad na rin ang personal niyang kaligayahan.

Wala na siyang panahon para sa kanyang lovelife. Gustuhin man niya ay kapos na kapos ang kanyang panahon dahil on call siya palagi para lumipad sa madisyertong bansa.

“Nangyari na sa akin ‘yung nasa office ako, biglang kailangan kong umalis papuntang Saudi Arabia agad-agad. Nagkukumahog akong umuwi, nag-impake ng ilang kagamitan ko, tapos, diretso na ako sa airport,” kuwento ni Arnelli.

Pero kahit pagod na pagod siya ay ibang-ibang kaligayahan ang kanyang nararamdaman kapag may mga buhay siyang naililigtas sa kapahamakan.

Mga kababayan nating pinagtatangkaan ng kanilang mga amo, mga manggagawang hindi pinasusuweldo, mga OFW na pinagbibinta­ngang nagnakaw ng kanilang mga pinaglilingkuran.

Maraming kaso na siyang hina­wakan. Lahat ng klase ng pag-iyak ay nasaksihan na niya. Halos bumagsak ang kanyang puso sa maraming hinaing ng mga manggagawang Pilipino.

“Ang palagi kong sinasabi, kapag umalis sila sa bahay ng pinagseserbisyuhan nila, e, huwag silang magtatago. Dumiretso agad sila sa pulisya, mag-report sila, para kapag nangyari ang hindi nila inaasahan, e, mayhawak silang blotter.

“Naku, makagagawa ako ng nobela sa dami na ng nalalaman kong kuwento tungkol sa buhay ng mga OFW. Kapag may naso-solve kaming problema, ‘yun ang complete happiness para sa akin,” sabi pa ng matalino, masipag at mapusong si Arnelli.