Aktres grabe ang sumpong

tonite-no-thanks-cristy-fermin

Iniintindi na lang ng kanyang mga kasamahang artista pati na ng produksiyon ang kakaibang ugali ng isang female personality na may malaking partisipasyon sa isang serye.

Kakaiba kasi sa iba ang kanyang ugali. May tiyempo ‘yun. Kapag maganda ang kanyang gising ay walang problema, masaya siyang dumarating sa location, bumabati sa kanyang mga katrabaho.

Pero kapag wala siya sa mood ay alam na ng mga kasamahan niya ang mangyayari sa buong araw. Wala siyang kibo, parang wala siyang kakilala, pagkatapos ng kanyang take ay diretso na siya sa kanyang wai­ting area.

Kuwento ng aming source, “Kabisado na siya ng mga co-stars niya. Talagang ganu’n na siya kahit nu’n pa. ibang-iba ang ugali niya talaga. Gagawin ka niyang mang­huhula.

“Huhulaan mo kasi kung nasa mood siya o wala. Huhulaan mo kung nasa tamang tiyempo ang pagbati mo sa kanya. Kung magaling kang mang­hula, malalaman mo na hindi mo siya dapat kausapin dahil wala siya sa mood na makipag-usap kahit kanino.

“Ganern na ganern! Matindi ang mood swing niya! Kapag nakayuko siyang dumarating, wala siya sa mood, huwag na huwag mo na siyang kakausapin kapag ganu’n dahil siguradong hindi ka niya papansinin!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Ang ganda-ganda pa naman daw ng aktres na ‘yun kahit nagkakaedad na siya. Kahit wala siyang make-up ay litaw na litaw pa rin ang kanyang ganda.

Balik-kuwento ng a­ming impormante, “Pero ang magandang babae pala, kapag palaging nakasimangot, e, nababawasan din ang ganda at charisma! Tulad ng girl na ito, ang ganda-ganda niya, pero kapag nakikita mo siyang nakasima­ngot at wala sa mood, e, parang nababawasan din ang ganda niya!

“Parang nakakatakot siyang makarelasyon! Paano kapag wala siya sa mood, e, di hindi na lang kayo mag-uusap? Nakakaloka ‘yun, ha? Ipatapon n’yo na nga lang sa wonderland ang babaeng ‘yun!” humahalakhak pang pagtatapos ng a­ming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Willie ginagamit sa panloloko

Pati kami ay binubulabog ng mga kaibigan naming nakakatanggap ng fake news na nanalo sila nang milyones sa Wowowin. Nanalo raw sila sa isang game sa programa ni Willie Revillame at ang kanilang pangalan ang nabunot.

Natural, may mga naniniwala, kung paanong agaran ding binubura ng iba ang text dahil halatado namang peke ‘yun.

Paulit-ulit nang nagagamit ang pangalan ni Willie sa mga ganu’ng modus. Kesyo kailangan nilang tawagan ang ganito at ganyang numero para masabi sa kanila kung paano makukuha ang napanalunan nilang daan-daang libong piso sa Wowowin.
Kapag tinawagan mo ang diumano’y abogadong magtuturo kung paano ay marami na silang hinihingi. Kailangan daw magbigay ang winner nang ten thousand para maging pormal ang kanilang entry.

Humihingi rin sila agad ng load, kailangan daw kasi ‘yun sa pakiki­pagkomunikasyon sa staff ng Wowowin, fake news talaga!

Payo sa ating mga kababayan, kapag nakatanggap po kayo ng ganyang anunsiyo ay huwag n’yo nang pansinin, burahin n’yo na agad ang mensahe dahil makasisikip lang ‘yun sa inyong inbox.

Pakihintay n’yo na lang pong isigaw ni Willie Revillame ang inyong pangalan sa kanyang game show, pero bakit at paano mangyayari ‘yun, kung wala naman kayong natatandaang nagpadala kayo ng inyong pangalan sa Wowowin?

Sa mga panahong ito ay laganap talaga ang mga kababayan nating ayaw magtrabaho nang parehas. Tamad sila, ayaw nilang mapagod, kaya mabilisang pera ang gusto nila na ang pinanggaga­lingan ay ang pangloloko sa ating mga kababayan.

Huwag po kayong papayag na maging biktima ng mga taong ayaw magpawis para kumita. Burahin na lang agad ang text message, deadma na lang, para wala silang naloloko.