
Maligaya na ngayon ang isang female personality sa bago niyang karelasyon. Hindi man sila puwedeng magpakasal ay hindi na nila ‘yun iniintindi, ang mahalaga ay maligaya sila, ang isa’t isa ang nagbibigay ng kulay sa kanilang mundo sa araw-araw.
Throwback ang kuwentong ito. Nakarelasyon nu’n ng aktres ang isang aktor-pulitiko. May mga anak ang male personality pero walang pinakakasalang ina ng kanyang mga anak.
Kuwento ng aming source, “Palaging pinagseselos ng girl ang boyfriend niya. Kapag magkasama sila, e, bigla na lang may darating na bulaklak, nagugulat pa kunwari ang girl, ganu’n!
“Natural, magtatanong ang guy, kanino ba nanggaling ang magandang flower arrangement na ‘yun? Sasagot naman ang girl, ‘Naku, galing sa isang admirer na ayaw tumigil, e, meron na nga akong boyfriend!’
“Palaging ganu’n. May nagpapadala ng bulaklak sa female personality kapag magkasama sila ng actor-politician. Itinataon talaga ng girl na magkasama sila ng boyfriend niya ang pagpapadala ng bulaklak sa sarili niya!
“Secretary ng girl ang umoorder ng flowers para sa kanya. Natural, magkakuntsaba na sila, alam ng delivery boy kung nasaan ang girl, di ba naman, dahil ichinuchu ng secretary!
“Nu’ng una, e, naniniwala pa ang male personality sa ganu’ng drama, pero nu’ng magtagal-tagal na, e, nagtanong na rin siya sa girlfriend niya, ‘Bakit alam ng admirer mo kung nasaan tayo?’
“Buking ang mga kadramahan ng girl, pero siyempre, lumulusot pa rin siya! Talagang pinagseselos niya ang actor-politician na mukhang wala namang pakialam!
“Nakakaloka ang babaeng ‘yun, ilusyunada! Gumagastos pa siya para lang pagselosin ang boyfriend niya! May nangyari ba sa mga pa-effect niya?
“Waley! Nagkahiwalay rin sila. Politician din ang ipinalit ng female personality sa nakahiwalay niyang actor-politician. Hindi rin sila nagtagal, wala ring nangyari sa relasyon nila,” pagtatapos ng aming impormante.
Aray ko!
***
Tuyot kuno sa babae
Willie per kilo na lang ang tinitikman
Napakaraming nagtatanong sa amin kung sino ang espesyal na babaeng nakasama ni Willie Revillame kahapon bilang Araw Ng Mga Puso. Wala kaming masabi.
Wala kasi kaming alam. Nagkakausap kami ni Willie pero wala naman kaming nararamdamang karelasyon niya sa kasalukuyan. Puro trabaho lang ang laman ng kanyang utak, saka ang madalas na pagpunta sa Mindoro sa bago niyang nabiling bahay-bakasyunan, palaging ganu’n lang ang ikot ng kanyang mundo.
Hindi namin binibili ang kanyang katwiran na nand’yan naman ang kanyang mga anak na nagpapasaya sa kanya, iba ang nagpapasaya sa nagpapaligaya, gusto naming maniwala na meron siyang girlfriend pero discreet na siya ngayon.
Sa sitwasyon ni Willie ay kailangan niya ng bitamina at inspirasyong magpapaikot sa kanyang buhay. Alangan namang puro trabaho na lang ang kanyang inaasikaso?
Bulong sa amin ng isang kaibigan, “Siguro, e, pakilo-kilo na lang ang binibili ngayon ni Willie, hindi na siya bumibili ng buong baka.”
Tawa kami nang tawa, sa dami nga naman ng babaeng dumaan sa buhay ng aktor-TV host ay baka malaki na ang ibinaba ng kanyang libido, puwede ring sabihin na nagkakaedad na rin kasi siya.
Pero wala mang girlfriend ngayon si Willie ay pinalilibutan naman siya ng mga kababayan nating nagmamahal sa kanya. Bata at matanda, lalaki at babae, pinaliligaya ng mga ito ang buhay ni Willie Revillame.
Nu’ng minsang tanungin namin si Willie kung sino ang espesyal na babaeng nagpapaligaya sa kanya ay napakasimple lang ng kanyang sagot.
“Career lang ang pinagtutunan ko ng panahon ngayon, love can wait,” natatawa niyang tugon.
Mamatey?