tonite-no-thanks-cristy-fermin

WALANG control sa mga kuwentong puwedeng lumabas ang magkakarelasyong nagkakahiwalay. Hindi nila hawak ang bibig ng mga miron, ng mga taong naging saksi sa kanilang pagmamahalan, kahit anong istorya ay puwedeng lumutang para pagpistahan.

Tulad na lang sa naganap na hiwalayan ng isang aktor at ng isang aktres na inasahan ng mas nakararami na sa altar na magwawakas. Biglang kumambiyo ang kuwento, sa wala pala ‘yun mauuwi, kahit pa bumilang na sila nang maraming taon ­bilang magkarelasyon sa hirap at sa ginhawa.

Kuwento ng aming source, “Kalat na kalat na kasi ang kuwento na lahat ng mga regalong ibinigay ni ____ (pangalan ng aktor na ga­ling sa pamilya ng mga artista) kay ____ (ang aktres na hiwalay sa mister pero hindi pa napapawalang-bisa ang kasal), e, ibinenta niya online.

“Ewan kung ‘yun ang paraan niya para mabilis na makalimot sa masakit na karanasang inabot niya, ang alisin lahat sa kanyang paligid ang mga regalong ibinigay sa kanya nu’ng male personality nu’ng sila pa.

May mga personalities na nakabili na ng mga ibinebenta niya online, maraming stuff ‘yun, iba-iba at puro branded. Talagang ibinenta niya na lang siguro lahat para mabilis siyang makapag-move-on.

Hindi naman kailangan ng datung ng girl, palagi naman siyang may project kaya may pera siya, kaya siguro nga, part of her ­moving on ang pagbebenta niya ng mga iniregalo sa kanya ng boyfriend niya for almost a decade.

“Ewan lang kung nakarating na sa male personality ang information. Magiging masakit para sa kanya siyempre ‘yun, ‘di ba, dahil parang itinapon na talaga ng girl ang lahat-lahat tungkol sa nakaraan nila.

“Sayang na pagmamahalan. Ang tagal-tagal na nila, pero wala palang guarantee ang haba ng panahon para maging sila na talaga,” pagtatapos ng aming source.
***

Liza, Enrique pinutol ang sumpa sa takilya

Ilang linggo nang malungkot ang mundo ng industriya ng pelikulang Pilipino dahil sa sunud-sunod na hindi pagtatagumpay sa ­takilya ng mga pelikulang ipinalalabas.

Ang ibang pelikula ay binabawasan na agad ng mga sinehan sa ikatlong araw pa lang, wala nang panahon para man lang makabawi sa puhunan, subsob ang mga proyektong ipinalalabas nitong mga nakararaang linggo.

Pero parang sinaksakan ngayon ng suwero ang industriya, ­milyones ang kinita sa unang araw pa lang ng pelikulang pinagtambalan ng LizQuen, ang Alone… Together at patuloy pa ring sinusuportahan ngayon ng ating mga kababayan.

Minsan pa ay lumutang ang ka­sabihan na walang masamang panahon para sa isang magandang pelikula. Hindi problema ang mahigpit na traffic kung gusto nating mapanood ang isang proyektong maayos na sinulat at ginawa ang kabuuan ng kuwento.

Isang magandang senyal din ang pagkita ng Alone… Together na may fan base nga ang tambalan nina Liza Soberano at Enrique Gil. Puwede silang sugalan, puwede na silang pakawalan, pakikinabangan talaga sila ng produksiyon.

At huwag menosin ang kakayahan ng sumulat at nagdirek ng pelikula, magaling talaga si Antonette Jadaone, tahimik lang pero rock na rock ang dating ng kanyang mga obra.

Sabi ng isang kaibigan ay nakatulong daw ang pag-amin ng LizQuen tungkol sa dalawang taon na nilang relasyon. Naging kapani-paniwala raw ang kanilang mga lambingan sa pelikula.

Hindi kami sang-ayon du’n dahil maraming loveteam na matagal nang lantad tungkol sa kanilang mga relasyon pero hindi naman ­kumita ang mga pelikula.

Word of mouth ang mas ­kapani-paniwalang pambenta ng isang produkto. Kapag nagpasa-pasa na sa iba-ibang bibig ang kaayusan ng isang pelikula ay nagkakaroon ng interes ang publiko na panoorin din ‘yun.

Pinutol ng LizQuen ang tanikala ng sinasabing kamalasan sa mundo ng industriya ng pelikulang Pilipino. Sana’y masundan pa ang kanilang pelikula ng mas maraming proyektong mamimiruya rin ng pera sa takilya.