Aktres at mister, umalma sa ABUSO

Ikinokonsulta na ng isang aktres ang kanyang mga abogado tungkol sa lumabas sa isang newspaper.

Hindi mapapalampas ng aktres ang panibagong pang-iintriga sa kanila ng kanyang mister.

Pinalalabas kasing “abusive” ang mister ni aktres at martyr si aktres dahil sa isang insidente raw na hindi talaga nangyari!

Sabi ni aktres sa amin, mapapatunayan niyang walang ganoong pangyayari at tama lang na idaan niya sa tamang proseso ang pang-iintrigang ito sa kanila ng kanyang mister.

Isa sa mga araw na ito, ipapaalam ng aktres sa publiko ang “action” nilang mag-asawa kaugnay ng bagong pang-iintriga sa kanila!

***

BAKASYON muna ng isang linggo sa Maldives si Maine Mendoza.

Wala muna si Maine sa Eat Bulaga.

Kasama sa bakasyon niyang ‘yon ang kaibigan at creative big boss ng Eat Bulaga na si Ms. Jenny Ferre.

Nagre-relax muna ang other half ng AlDub loveteam dahil balitang malapit na nilang simulan ang next movie nila.

Nagpaplano rin ang Dabarkads na magbakas­yon sa isang Asian country ngayong buwan na ito.

***

CASSY, HANNAH, ICEE at LORIN
CASSY, HANNAH, ICEE at LORIN

Anak ng celebrities ang naglaban-laban kahapon sa Jackpot En Poy segment ng Eat Bulaga.

Anak nina Zoren Legaspi & Carmina Villarroel na si Cassy Legaspi, anak nina Anthony Pa­ngilinan & Maricel Laxa na si Hannah Pangilinan, anak nina Gary Estrada & Bernadette Allyson na si Icee Estrada at panganay ni Ruffa Gutierrez na si Lorin Gutierrez Bektas ang naglaban-laban.

Si Lorin, hindi talaga pumayag na hindi siya ihatid ng nanay niya sa Broadway studio ng Eat Bulaga.

“My gosh, I have a 1:00 PM meeting at The Shangri-La in The Fort, pero ayaw ni Lorin na hindi ko siya ihatid sa studio, kaya nandito ako, but I’m leaving now,” sabi ni Ruffa pagkatapos niyang maipuwesto sa dressing room ang anak.

Biniro namin si Ruffa na ayaw lang niyang ipahalatang stage mother din siya katulad ng nanay niyang si Annabelle Rama kaya kunwaring may meeting siya.

“My gosh, may meeting talaga ako and I’m so late na. Bye!” sey ni Ruffa sabay alis sa studio.

Pumunta kami sa dressing room kung nasaan ang apat na celebrity kids.

Dinatnan namin si Bernadette na katabi ang anak na si Icee.

First time ng anak, kaya sinamahan niya.

Mas excited pa si Bernadette na maglalaro sa Eat Bulaga si Icee.

Si Cassy, kasama ang kanyang Tita Margaret Laing, former beauty queen na nag-artista rin noon at married sa kapatid ng tatay niya, kay Brando Legaspi.

Sabi sa amin ni Margaret, sanay si Cassy na sinasamahan niya, kaya siya na ang sumama rito sa Eat Bulaga.

Si Hannah, sinamahan ng kanyang handler from Manila Genesis.

Ang cute ng apat na celebrity kids sa backstage dahil tsika-tsika sila at pare-parehong excited sa paglalaro nila sa Jackpot En Poy.