NU’NG kasagsagan pala ng pag-atake ng depresyon sa buhay ng isang kilalang female personality ay nagsadya siya sa isang isla kasama ang dalawa niyang kasambahay. Kumpleto siya sa mga kagamitan.
Para siyang maglilipat-bahay dahil may baon siyang kalan, maliit na refrigerator, maliit na kama, lahat ng kailangan para kumportable silang makapamuhay sa isla nang isang linggo ay dala-dala ng aktres.
Pero sa ikalawang araw pa lang ay nagyaya na siyang umuwi. Nagtaka ang kanyang mga kasama dahil siya ang pursigidong mamuhay sa isla, hahanapin daw niya ang kanyang sarili, kaya gulat na gulat ang kanyang mga kasambahay kung bakit nagpipilit na siyang umuwi.
Tiningnan sila nang diretso sa mga mata ng aktres, ang kanyang sabi sa napakaseryosong pagsasalita, “May mga nakikita akong demonyo dito. Nakasilip sila sa room ko. Okey lang kung mga duwende sila, pero nakikita ko ang mga sungay nila, mga demonyo ang nandito.”
Natural, nahintakutan ang mga kasama niya hindi dahil sa mga sinasabing demonyo ng kanilang ma’m, ang mas ikinatakot ng mga ito ay baka sila ang mapagdiskitahan ng aktres, baka sila ang mapagkamalang demonyo at basta na lang sila saksakin.
Marami pang ibang kuwento tungkol sa aktres, matindi ang kanyang pinagdaanan nang dahil sa depresyon, mabuti na lang at sa tulong ng mga kaibigan ay pumayag na siyang sumailalim sa medikal na prosesong napakalaki ng naitulong sa kanyang kundisyon.
Wala na siyang nakikitang mga demonyo na nakasilip sa kanyang kuwarto, wala na rin ang malaking taong pagkaitim-itim na madalas daw niyang makitang nakatitig lang sa kanya, nawala nang lahat ang mga ilusyon na hindi nagpapatulog sa kanya.
Baron ipapa-rehab ng pamilya
HINDI pa rin nakayang tiisin at tikisin ng kanyang pamilya si Baron Geisler sa kabila ng mga ginawa niyang kabastusan na nagtulak sa kanya sa pagkakulong.
Nag-usap-usap ang magkakapatid, walang ibang makatutulong sa aktor kundi sila mismo, kaya sila rin ang magpipiyansa kay Baron kasunod ang isang kundisyon.
Kailangan na talagang ipasok siya sa rehabilitation center, kailangan niyang kumpletohin ang proseso at hindi siya tatakas, sa pagsang-ayon ni Baron ay meron din siyang hininging kundisyon sa kanyang pamilya.
Hindi siya ang gagastos sa pagpapa-rehab, wala siyang maipangtutustos sa mahal at mahabang gamutan, ang kanyang mga kapatid ang magbabayad sa lahat ng mga gastusin.
Pumayag ang kanyang mga kapatid, mas magiging ligtas ang aktor sa loob ng rehab, ikinatatakot nila ang huwag naman sanang mangyari pero baka isang araw ay matagpuan na lang na malamig na bangkay sa kalye ang aktor.
Hinog na ang panahon para sumailaim sa professional help si Baron. Gasgas nang dahilan ang pagkagumon niya sa alkohol, hindi na alak lang ang dahilan ng mga kahihiyan at gulong kinapapalooban niya, kailangan nang matutukan ng mga psychiatrist ang kundisyon ni Baron ngayon.
Huwag naman sana niyang sayangin ang magandang hangarin ng kanyang pamilya, bigyan naman sana ng halaga ni Baron ang matinding effort ng kanyang mga kapatid, walang ibang magmamalasakit sa kanya nang ganyan katindi at kasinsero kundi ang pamilya lang niya.
Kung gusto niyang makabalik sa mundong minahal niya ay malawak pa ang pagkakataon, bata pa si Baron, kapag maayos na maayos na siya ay palagi namang may nakalaang espasyo ang industriya para sa mga personalidad na may iniiwanang tatak sa pag-arte. Magaling siyang aktor, may itsura pa siyang maipagmamalaki, kaya lang ay nagpadala si Baron Geisler sa kaway ng bisyo at depresyon.