Aktres nambubutas ng gulong, nanlalait sa telepono

sexy-actress

SA isang umpukan ng mga taga-showbiz ay natutukan sa kuwentuhan ang pagiging super-selosa ng isang aktres nu’ng kanyang kabataan. Sikat na sikat siya nu’n, paboritong artista ng kanyang network, hindi siya nawawalan ng serye at pelikula.

Sabi ng isang miron sa umpukan, “Pagiging selosa ba kanyo? Naku, walang-wala ang pagiging selosa ni____(pangalan ng isang aktres na kapag inaapuntahan ng selos ay nanunugod-nangongompronta ng kanyang pinagdududahang may relasyon sa kanyang mister)!

“Puro talak lang ang nagagawa ng insekuridang babaeng ‘yun, walang aksiyon, wala siyang binatbat kay ____(ang paksang aktres na super-selosa) kung selosa ang pag-uusapan!

“Juice colored! Iba ang babaeng ‘yun! Meron pa siyang mga props kapag nagseselos siya! Nu’ng pagselosan niya ang ex ng boyfriend niya, e, pinagbubutas niya ang mga gulong ng car ng girl!

“Nu’ng minsan naman, e, meron siyang ibinatong egg shells, sa car nu’ng babae, chemical pala ang laman, kaya nu’ng mawarak ang mga egg shells, grabe ang nangyari sa kotse ng pinagseselosan niyang girl!

“Nasira ang pintura, patse-patse ang damage! Nakakalokang magselos ang babaeng ‘yun! Kaso, nabuking ng girl na siya ang may gawa, isinumbong siya sa management, kaya ayun, pinagbayad siya ng danyos sa nasirang kotse!

“Tapos na ang relasyon ng boyfriend niya sa girl, nagparaya na nga ‘yung babae, pero matindi pa rin ang selos niya!” napapai­ling na kuwento ng aming source.

May anekdota rin ang isang nasa umpukan tungkol sa giyererang aktres kapag inaalihan ng selos. Iba naman ang level ng kanyang kalokahan, hindi niya tinatantanan ng panggugulo ang babae sa telepono, heto ang istorya.

“Meron siyang tatlong cellphone bukod pa sa sarili niya, tine-text niya ang girl, minumura-mura niya at nilalait-lait talaga! Kapag sasalang na siya dahil nasa taping siya nu’ng mga oras na ‘yun, ang PA niya ang nagte-take over sa panggugulo sa babae!

“Alam na ng alalay niya ang gagawin, basta paulit-ulit lang niyang ipadadala sa number na ibinigay ng boss niya ang mga nakakalokang messages! Ganu’n siya katindi, walang makaaagaw sa korona niya kapag selos na ang pinag-uusapan!” tawa nang tawang kuwento ng impormante.

Hiwalay na ngayon ang aktres at ang kanyang mister, kontrobersiyal ang paghihiwalay nila dahil humantong pa ‘yun sa korte, ang kanilang mga anak na lang ang nagdudugtong sa nakaraan nilang relasyon.

Kris palaban sa mga basher

KAPANSIN-pansin na nga­yon ay hindi na pumapa­yag si Kris Aquino na basta na lang siya lait-laitin ng kanyang mga bashers. Kung dati’y sinusunod niya ang kasabihang silence is the best answer to a fool, ngayon ay palaban na rin si Kris, tinatapatan na niya ang mga salitang ipinakakain sa kanya.

Naisip siguro ni Kris na iba ang labanan sa social media, ngipin sa ngipin dapat ang argumento, kapag nagbait-baitan kasi siya ay lalo siyang pupupugin ng mga taong walang magawa sa buhay kaya siya na lang ang iniinis at pinagdidiskitahan.

Wala kasing nasisilip na maganda sa kanya ang mga taong ‘yun, para siyang tumutulay sa alambre na kumanan siya at kumaliwa ay laglag pa rin siya, kaya nakikipaglaban na siya nang sabayan ngayon.

Sabi nga ng isang direktor na nakausap namin, “Naiinis ako sa kaartehan ni Kris, pero I agree with her, kapag pinalampas mo ang mga taong ‘yan, e, lalo ka nilang bubuwisitin. Ano bang galing siya sa buena familia, ano bang dating presidente ang mommy at brother niya?

“It’s about time na makipagpingkian na rin siya sa mga taong walang nakikitang maganda sa kanya! Inggit lang naman ‘yan, e! Sobra ang inggit sa kanya ng mga taong ‘yun kaya siya nilalait-lait!” komento ni direk.