Aktres nilayasan ng mataray na celebrity

tonite-pak-allan-diones
Umiral na naman pala ang pagkapasaway ng isang ganda-gandahang aktres (GGA) sa nakaraang ABS-CBN Ball.

Ang kabilin-bilinan kasi sa mga artistang dadalo sa event ay bawal ang plus one o hindi puwedeng magsama ng kahit na sino, kaya nagulat ang ibang stars nang dumating si GGA na karay-karay ang non-showbiz dyowa nito.

Nalerky ang celebs na nakakita dahil ang iba sa kanila ay gusto ring magsama ng asawa, pero dahil mahigpit ang utos na bawal ang +1 ay sumunod sila sa rule at hindi sila nagsama.

Ibig bang sabihin ay exception to the rule si GGA? May special powers ba siya at nagawa niya kung anong gusto niya? Ganda niya, huh!

Ang ikinalukring pa ng ibang imbitadong bisita, umupo si GGA sa mesa na hindi naman naka-assign para sa kanya, so nagulo tuloy ang seating arrangement sa halip na magkakaibigang celebs ang magkakasama sa table na ‘yon.

Isang kilalang aktres na mataray ang noon pa pala irita kay GGA, kaya nu’ng makita nitong umupo si GGA sa table nila ay lumayas ang kilalang aktres at lumipat ng mesa dahil ayaw nitong makasama si GGA!

Maging ang ibang press na nag-cover ng event ay nairita kay GGA dahil may gimik sila na magti-take ng selfie ang celebs na dumadaan sa red carpet.

Lahat naman ng Kapamilya stars na dumaan ay game na nag-selfie gamit ang celfone na binigay ng press, pero si GGA ay kung anik-anik muna ang mga tanong at ang daming arte bago pumayag na mag-selfie!

In fairness ay mukhang sinasadya ni GGA ang mga pag-iinarte at nakakalerky attitude niya. Tila enjoy siya kapag nagrereak ang ibang tao at nabubuwisit dahil sa kanya.

Si GGA ‘yung aktres na isinusumpa ng staff ng isang teleserye dahil sa mga kalokahan niya sa set.

Kamakailan lang ay nagkaroon na naman ng isyu kay GGA dahil meron siyang nabastos na senior co-star sa taping nila at nagreak ang kamag-anak nito na gigil na gigil sa kanya!

Robin ‘di marunong makisama?

Hindi nga ba maru­nong makisama ang isang Robin Padilla?

Matapos maglabas ng hinampo at sama ng loob ni Sharon Cuneta sa pandeded­ma ni Robin sa nakaraang 40th anniversary concert niya ay ikinonek dito ni Tita Lolit Solis ang hanash nito tungkol kay Binoe.

Emowt ni Tita Lolit sa Instagram, hindi na siya nabigla o nagtaka sa ginawa ni Robin kay Sharon dahil­ sina Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla nga, ni minsan ay hindi raw nito nadalaw sa Camp Crame.

Samantalang nang makulong daw si Robin sa Muntinlupa noon, halos linggo-linggo ay dinadalaw ito roon nina Rudy Fernandez at Bong. At si Jinggoy ay panay ang padala rito ng pagkain at sigarilyo.

Si Mang Ramon Revilla pa raw ang gumawa ng batas noon para mapa­labas si Binoe sa kulungan.

“Sabihin na kung anuman ang nasa isip niya (Robin) tungkol sa pagkakulong nina Bong at Jinggoy, iyon magkasama sila sa showbiz, na pareho silang artista, guilty or not guilty, iyon sympathy o compassion, sana man lang ay ipinadama ni Robin.

“Malaking bagay iyon pagdalaw sa isang tao na nasa kulungan. Kahit nga hindi mo kaibigan, iyon lang presence mo will brighten up their days, parang sa isang maysakit na comforting ‘pag alam na meron pa rin nag-aalala sa kanya.

“Ewan ko kung anong dahilan ng pagiging detached ni Robin, ewan ko kung para sa kanya may sarili siyang mundo, na iyon mundo na iyon ay sapat na sa buhay niya, pero sana nga tama siya. Sana nga, sapat na ang ginagalawan niya at hindi na kailangan pa ang iba.

“Sana nga, Robin Padilla ako noh, kaya kong mag-isa. Hindi ko kailangan punta sa concert o dumalaw kahit kanino dahil Robin Padilla ako,” sarcastic pang dayalog ni Tita Lolit sa kanyang IG post.

Ano nga kayang problema ni Robin at ni hindi niya naga­wang silipin man lang sina Bong at Jinggoy sa kulungan?

Si Bong ay tahimik lang at walang mga emowt, pero panlimang taon (yes, panlima na pala at hindi lang pang-apat) na niyang nag-birthday sa loob ng Crame last month.

Kahit man lang sana sa isa sa mga birthday ni Bong ay naisipang dumalaw ni Robin, pero sa tagal ng panahon na ‘yon ay never nakita ang anino niya sa Crame. Kalerks!