Aktres panalo ng P3M sa olat na politiko

tonite-no-thanks-cristy-fermin
NAPAKALAKI ng tulong ng nagagawa ng mga artista sa pagpapaingay ng pangalan ng mga pulitiko. ‘Yun ang dahilan kung bakit may mga pulitikong kunwari’y nanliligaw sa mga artista pero hindi naman ‘yun totoo.

 

Pinag-usapan na ‘yun ng magkabilang kampo, may halagang sangkot du’n, ilang beses na bang nangyayari ang panggagamit sa pangalan ng mga artista para lang magmarka ang pangalan sa publiko ng mga pulitiko?

 

Kuwento ng aming source, “Naalala n’yo nu’n ‘yung pagli-link ng isang politician kay ____(pangalan ng isang magandang actress-TV host)? Tagumpay ang female personality sa dramang ‘yun!

 

“Three million ang talent fee niya sa pagpapanggap na very close sila nu’ng politician, kahit hindi naman! Pero nagtagumpay ba ‘yung pulitiko?

 

“Ilang beses na umakyat sa stage sa kampanya niya ang actress-TV host, kinakiligan ang mga kadramahan nila sa entablado, pero waley pa rin!

 

“Olats ang kandidato! Milya-milya ang layo sa kanya nu’ng nanalong kalaban niya! Nawalan ng saysay ang mga drama nila ng female personality! Talo siya! Ang girl ang panalung-panalo sa three million na kinita niya!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

 

May isang aktres ding kumita nang malaki sa pagpapaingay sa pangalan ng isang bagitong politician mula sa isang malayong probinsiya.

 

Balik-kuwento ng aming source, “Du’n na halos siya tumira sa probinsiya nu’ng kandidato. Tumira siya sa hotel, bayad siyempre ang pag-i-stay niya du’n!”

 

“Wala siyang ibang dapat gawin kundi ang magkunwaring sila na ng bagitong pulitiko. Kinikilig naman ang audience kapag nagdadrama sila sa stage ng kampanya!

 

“Pero paano naman maniniwala ang mga tagaroon na magkarelasyon nga sila nu’ng politician, e, nandu’n din ang boyfriend niyang hunk actor? Magkasama sila du’n, namamasyal pa silang magkayakap!

 

“Anyare sa career ng bagitong pulitiko? Waley rin! Olats! Lotlot! Nagastusan lang nang napakalaki ‘yung tao, dahil naka-hotel pa ang kuno-kuno niyang girlfriend na artista!” humahalakhak na kuwento ng aming source.

Coco kinarir ang libing sa tuktok ng bundok

 

MARAMI kaming pintor na naninirahan sa Tanay, Rizal. Marami kaming piyesa sa aming gallery na ang mga ipinagmamala­king tanawin sa lugar ang kanilang iginuguhit.

 

Ang nakagapang nilang kabundukan, ang napakagandang tanawin sa ibaba kapag nasa ituktok ka ng bundok, parang isinabog na diyamante ang mga ilaw sa kapatagan sa gabi.

 

Du’n napiling mag-shoot ng FPJ’s Ang Probinsiyano. Tahimik kasi ang kapaligiran, hindi sila maabala sa naglisaw-lisaw na mga miron, at totoo namang napakaganda ng kabundukan ng Tanay, Rizal.

 

Ang ganda-ganda ng eksena nu’ng isang gabi nang magdesisyon ang Vendetta na ilibing na ang kaisa-isang anak na natira ni presidente (Rowell Santiago), si Ryza Cenon, makapigil-hininga ang mga shots sa libing.

 

Nakapangingilabot ang paglilibing sa ituktok ng bundok, nag-aagaw ang dilim at liwanag, wala kang itatapon sa mga kinunang eksena sa Ang Probinsiyano.

 

Kuwento ng aming kausap, “Si Coco (Martin) at ang direktor ang sumisilip sa mga ca­mera. Talagang kina-career nila ang mga shots. Hindi puwede kay Coco ang basta lang. Kaila­ngang maayos talaga ang mga kukunang eksena.”

 

Habang ipinalalabas ang eksena ng pagli­bing ay tumawag ang isang kaibigan namin, ang kanyang komento, “Grabe naman ang eksenang ito! Nakakapangilabot! Pang-poster ang mga long shots!

 

“At ang extreme close-up ng mga artista, makikiyak ka talaga sa kanila! Si Rowell Santiago, grabe ang emotion. Si Coco, aktor talaga siya. Ang mga miyembro ng Vendetta, imagine, magagaling sila sa drama!” komento ng aming kaibigan.

 

Ano nga ang sabi ng mga kababayan natin? Magsasarado ang halos lahat ng mga serye, magkakamatayan ang kanilang mga bida, pero mananati­ling buhay na buhay ang FPJ’s Ang Probinsyano!