
Sa isang pribadong eskuwelahan lang nag-aaral ang mga apo ng aming kaibigan at ang mga anak ng isang pamosong female personality.
Madalas daw nilang makita du’n ang aktres, ihinahatid-sinusundo ang kanyang mga anak, pero ilang buwan na raw nilang hindi nakikita ang magandang female personality.
Ang kanilang tanong, inilipat daw ba ng eskuwelahan ng kilalang aktres ang kanyang mga anak, pero bakit hindi naman ganu’n ang bersiyon ng kuwentong nakararating sa mga parents du’n?
Kuwento ng aming source, “Ang nalaman kasi namin, e, pinahinto na niya sa pag-aaral ang mga anak niya dahil kapos na kapos na siya. Hindi na makapagbayad ng tuition fee ang mga bata.
“Wala ba siyang naipon mula sa mga kinita niya nu’ng ang ganda-ganda ng takbo ng career niya? Saka ‘yung father ng mga bagets, wala bang ibinibigay na sustento sa kanilang mag-iina?
“Napaka-visible niya nu’n, hindi siya nawawalan ng mga projects, palagi siyang bida sa pelikula at mga serye. Napakalaki ng kinikita niya nu’n, pero bakit wala na siyang pera ngayon?” tanong ng impormante.
May mga mahihingan naman ng tulong ang kilalang aktres kung gugustuhin lang niya. Pero mukhang mataas ang kanyang pride. Ilang beses nang nagtangkang tumulong sa kanya ang mga kapatid niya pero hindi niya ‘yun tinanggap.
“Wala pa rin siyang trabaho hanggang ngayon, urong-sulong naman ang plano niyang pagbabalik sa acting, paano na ang kabuhayan showcase nilang mag-iina?
“Paano na ang pag-aaral ng mga anak niya? Sayang na sayang ang panahon, ibaba na sana niya ang pride niya, tanggapin na niya ang tulong ng mga taong nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya,” pagtatapos ng aming source.
Daniel pikon sa hiwalayan kay Kathryn
Kailangang bantayan ni Daniel Padilla ang kanyang emosyon. Hindi puwedeng dahil sa napipikon na siya sa kaliwa’t kanang tanong sa kanya kung totoo bang nag-break na sila ni Kathryn Bernardo ay basta na lang siya magluluwa ng matatalim na salita.
Kailangan niyang kumuha ng seminar sa kanyang tiyuhing si Robin Padilla na kahit pa galit na galit na ay marunong magbalanse ng mga salitang bibitiwan nito.
Madiplomasya si Robin, hanggang kaya nitong daanin sa magandang usapan ang sitwasyon ay gagawin nito, hindi tulad ni Daniel na palaging napipikon.
Kung matatandaan, nang mag-concert siya sa isang probinsiya ay hinamon niya ang isang grupo ng mga kabataang lalaki na umakyat sa entablado, dahil ang akala niya’y pinagtatawanan at binu-bully siya.
Kumalat ang kuwentong ‘yun, biglang tumabang ang paghanga sa kanya sa lugar na pinangyarihan ng senaryo, pikunin nga si Daniel.
Napakaraming paraan para masagot niya nang maayos ang mga tanong kahit pa inis na inis na siya. Maraming salitang puwedeng pakawalan sa halip na sisihin ang mga manunulat na sila lang ang nagpapalaki ng isyung hiwalay na sila ni Kathryn.
May isyu lang, kaya siya tinatanong, pampublikong pigura siya at sikat, kaya siya nauurirat ng mga reporters. Mas masakit kapag dumating ang panahon na ang dami-dami nang nangyayari sa kanyang karera at lovelife nang wala nang nagtatanong sa kanya.
Mas masakit kapag wala nang pakialam ang mga manunulat sa pinakahuling balita tungkol sa kanya dahil hindi na siya karapat-dapat bigyan ng espasyo sa mga pahayagan dahil meron nang pumalit sa kanyang puwesto.