
Kung tutuusin pala ay hindi na kailangan pang magtrabaho ng isang magandang aktres ng isang matagumpay na serye. Kayang-kaya na siyang buhayin ng kanyang boyfriend.
Kung ito ang masusunod ay gusto na lang ng lalaki na sumunod na siya sa ibang bansa, huwag na siyang umarte, dahil sobra pa sa mga pangangailangan niya ang kayang-kaya nitong ibigay sa kanya.
Pero may matinding paninindigan ang female personality. Una ay mahal niya ang kanyang trabaho, ikalawa ay gusto niyang pagtrabahuhan ang kung anumang mga meron siya ngayon, hindi siya masaya nang wala siyang ginagawa.
“Napakasimple ng babaeng ‘yun. Mabait siyang anak at kapatid. Kung gagamitin niya lang ang utak niya, e, sobra-sobrang biyaya pa ang magkakaroon siya, pero ayaw niyang pumasok sa ganu’ng trabaho.
“Marami nang indecent proposals na nakararating sa kanya. Bakit nga, e, talaga namang nag-iinit ang mga kalalakihan sa role na ginagampanan niya sa serye, ang lakas na invitation nu’n para sa mga lalaking gumagastos talaga para lang magetlak ang mga artista!
“Pero wala siyang pakialam. Kahit anong pangako pa ang sabihin ng mga Boogie Wonderland d’yan, e, wala siyang panahon! Ang puso at katawan niya, e, para lang sa boyfriend niya na naghihintay sa kanya sa ibang bansa,” madiing kuwento ng aming impormante.
Dumarating siya sa location na nakatsinelas na de-goma lang, lumang t-shirt at shorts, pero nasa kasimplehan niyang ‘yun ang tunay na kagandahan.
Patuloy ng aming source, “Saka masarap siyang katrabaho, hindi siya nagiging sakit ng ulo ng production staff. Organisado siya, alam na niya ang gagawin niya, wala siyang kaartehan sa katawan.
“Malandi lang ang role na ginagampanan niya, kabaligtaran niya ‘yun sa tunay na buhay, napakasimple niyang babae. Mabait siya, kilala na siya ngayon, pero low key siya.
“Wala siyang kayabang-yabang, marunong siyang makisama kahit sa mga utility, ang sarap-sarap nga niyang halikan!” inspiradong pagtatapos ng aming source.
***
Kris humina ang laban kay Falcis
Lunes nang gabi ay nakatanggap kami ng impormasyon na tatlo pang kaso ng qualified theft na ihinain ni Kris Aquino laban kay Nicko Falcis ang nakatakdang ibasura.
Ayon sa aming impormante ay nauna lang ang piskalya ng Makati na nagbasura sa kaso, pero tatlo pang kasong nakahain sa iba-ibang siyudad ang idi-dismiss din, dahil sa kawalan ng kaukulang pruweba.
Sa pagkakaalam namin ay walong kaso ang isinampa ni Kris laban sa kanyang dating katrabaho sa KCA Productions na isang asunto lang ang tinutumbok, pagnanakaw, paggalaw sa pondo ng kanilang opisina.
Kung totoong ibabasura nga ang ibang kasong isinampa ni Kris laban kay Nicko ay hihina ang kanyang laban. Maaaring may makalusot, pero mamarkahan pa rin ng mas nakararami ang mga kasong ibinasura lang, at ‘yun ang kanilang paglalabanan sa husgado.
Nakakalungkot kapag naganap ‘yun, magkakaroon ng mukha ang mga ispekulasyon ng ating mga kababayan na hindi na panahon ngayon ni Kris, dahil wala na ang kanyang pamilya sa kapangyarihan.
Ang unang malakas na bigwas sa kanya ay nang pagsaraduhan siya ng pintuan ng ABS-CBN mahigit na dalawang taon na ang nakararaan. Ikalawa ay ang pagkakaroon niya ng problema sa kanyang kalusugan.
Napakatinding problema para kay Kris ang pagkakaroon ng sakit na matagal na panahon bago natuklasan kung saan nag-uugat. Mabuti na lang at sobra-sobra ang kanyang kayamanan na kayang tumustos sa lahat ng kanyang mga pangangailangang medikal.
Tapos ay heto ang mga kasong isinampa niya laban sa isang taong binigyan niya ng pagtitiwala. Nakatagpo siya ng katapat kay Nicko Falcis, palaban din itong katulad niya, hindi magpapagapi nang basta-basta.
Tatluhan daw ang pag-atake sa atin ng suwerte at ng mga hindi kagandahang pangyayari. Sana nga ay ito na ang huli para kay Kris Aquino, wala na sanang sumunod pa, para magkaroon na siya ng katiwasayan ng isip at kalooban.