Akyat-bahay arestado sa Muntinlupa

Timbog ang isang binatang akyat-bahay na nanloob sa tindahan ng isang babaeng negosyante sa Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Nathaniel Tanao-Tanao y Calibo, 20-anyos, walang trabaho at naninirahan sa Garcip Compound, Purok I, Cupang, Muntinlupa.

Sa ulat ng Muntinlupa City Police, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang pagnanakaw sa loob ng tindahan ni Jerimae Gulmatico Jayona, 26, sa nasabi ring compound.

Lumalabas sa imbestigasyon na pumasok ang suspek sa bahay ng biktima sa pamamagitan ng pag-akyat nito sa terrace at sinira ang door knob bago dumiretso sa tindahan.

Kinuha umano ng suspek ang P1,050 cash, isang vape, apat na pack ng sigarilyo at isang silver necklace.

Tatakas na sana ang suspek pero namataan siya ng biktima na nagsisigaw at humingi ng tulong dahilan upang ma-trap si Tanao-Tanao sa loob ng bahay matapos palibutan siya ng mga kapitbahay ni Jayona.

Tiyempo namang nagroronda sina Ronald Salvador at Antonio Mullet ng Brgy. Cupang kaya naaresto ang suspek at binitbit sa Police Community Precinct 4. (Armida Rico)