Kulungan ang bagsak ng isang 22-anyos na lalaki matapos isuplong ng dalawang senior citizen na nakasaksi sa ginawa niyang pagnanakaw sa isang bahay sa Brgy. Poblacion, Mandaluyong City Sabado nang madaling-araw.

Batay sa nakakap na report mula sa Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Francis Mark Serrano y Tolentino na nahaharap ngayon sa kasong robbery.

Ayon sa dalawang nakasaksing senior citizen na hindi na lamang pinangalanan, nakita nila ang suspek na pumasok sa bahay ni Lancer France Serrano, 28-anyos, bandang alas-tres nang madaling-araw.

Puwersahang binuksan umano ng suspek ang steel gate lock at main door lock ng bahay ni Serrano at mag-isang hinakot ang mga kasangkapan saka isinakay sa isang tricycle.

Kabilang sa mga ninakaw ay isang television set, cellphone, laptop, travel bag, branded t-shirt at iba pang mga gadget na umaabot sa P182,500 ang kabuuang halaga.

Agad na ini-report ng dalawang matanda ang insidente sa Police Community Precinct 1 na mabilis namang rumesponde sa insidente.

Inabutan ng mga awtoridad ang suspek na naglalakad sa Pag-asa St., Brgy. Poblacion, Mandaluyong kaya agad na itong naaresto.

Narekober naman ang mga ninakaw na gamit sa bahay ng isang Jomar Alipio.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa selda ng Mandaluyong Police Station. (Vick Aquino)