Akyat bahay na dalaga naharang; inumit na wallet, cellphone nabawi

Hindi na nakaporma pa ang isang 32-anyos na dalaga na hinihinalang miyembro ng akyat bahay gang na nagkunwaring bahay niya ang pinasok sa Rosario, Cavite.

Nakakulong ngayon sa Rosario Municipal Police Station ang suspek na si Lea Gonzales, ng Brgy. 7 Dalahican, Cavite City dahil sa reklamo ni Lilibeth dela Cruz, 50, isang balo ng Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite.

Sa ulat ni Corp. Lynard Pareja ng Rosario Municipal Police Station, alas-kuwatro kamakalawa ng hapon habang nagpapatrulya sina Raul Garica, 53 at Chris dawis, 21, kapwa barangay tanod ng Brgy. Bagbag 2 ng naturang bayan nang napansin ang paglabas ng suspek sa gate ng biktima.

Sinita ng mga tanod ang suspek kung saan ito galing pero ikinatuwiran nitong lalabas lamang siya sa kanilang bahay na pinagduduhan ng dalawa kaya tinanong kung anong pangalan ng nakatira sa nasabing bahay na hindi nasagot ng suspek dahilan upang imbitahan siya sa barangay.

Dito nabuking ang suspek dahil kilala ng mga barangay tanod ang nagmamay-ari ng bahay at nang inspeksiyunin ay nakuha ang dalawang cellphone at wallet na naglalaman ng P5,400.

Nabatid na wala sa kanilang bahay si Dela Cruz at nakapasok ang suspek sa loob sa pamagitan ng pagsira ng bakod. (Gene Adsuara)