Bulilyaso ang isang lalaki na miyembro ng ‘Akyat-bahay’ matapos na maaktuhan sa isang niloobang bahay sa Purok I, Bungad Isla Puting Bato, Tondo kahapon.

Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Leo Afable, hindi na nakatakas ang suspek na si Orlando Yamio, 49 at nakatira rin sa nabanggit na lugar matapos madakma ng biktimang si Sherry Ann Manzo, 25 at masaklolohan ng kanyang nobyong si Efren Juanillo, 27.

Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa bahay ng biktima habang mahimbing umanong natutulog katabi ang kanyang dalawang kapatid nang makarinig ng kaluskos.

Bumangon umano ang biktima at paglabas sa kuwarto ay bumungad ang suspek na hawak ang kanyang Samsung cell phone at papatakas na sa bintana dahilan para magsisigaw ng ‘magnanakaw’ sabay hablot sa suspek para mapigilan na tumakas.

Narinig naman ni Juanillo, nobyo ng biktima na noon ay natutulog sa ibaba ng bahay kaya umakyat at naaresto nito ang suspek at nabawi ang cell phone.