Alab ininda ang umpog ni Balkman

Siyam na manlalaro lang ang isinalang ng Alab Pilipinas kontra Formosa Dreamers, isa sa mga nagarahe ay ang world import na si Renaldo Balkman.

Sa naging aksyon sa laban ng Alab kontra Macau Black Bears, nagkaumpugan sina Balkman at Fil-Am guard Mikh McKinney na naging dahilan upang dumugo ang ilong ng una at mahilo matapos ang laro na posibleng sintomas ng concussion.

Hindi nakapaglaro si Balkman, kasama pang namahinga sina Caelan Tiongson, Lawrence Domingo at Brandon Rosser dahil sa magkakaibang injury na isa sa dahilan kaya nabitawan ang laro kontra Formosa Dreamers, 71-79, Linggo ng hapon sa Taiwan.

Lumagapak ang Alab sa 18-5 win-loss record, nakamit ang ikalawang talo sa apat na laro samantalang nasa likuran lang ang Formosa tangan ang 16-6 kartada.

Namuno para sa Alab si PBA second overall pick Bobby Ray Parks Jr., kumamada ng 27 points, anim na rebounds at dalawang assists, habang may 12 points at 10 rebounds naman si PJ Ramos.