NAG-POST si Sunshine Dizon sa bagong Instagram account niyang m_sunshinedizon.
Na-hack pala ang dati niyang account, kaya gumawa siya ng panibago at meron siyang statement kaugnay rito.

Aniya, “My email and IG account @mssunshine­dizon was hacked last night. My Globe line was declared lost during my birthday, na-reconnect ko pa ng hapon pero pina-hold pa rin nu’ng kinagabihan, and upon checking they said that apparently my husband did not authorize me to make any amends for the said line even if I had over payment of 11 thousand pesos at kahit hindi talaga nawawala ang telefono.

“Kagabi ng malaman kong na-hack at na-delete na email ko, I tried to recover it, sa notifications lumabas na may naglalagay as recovery number ay ang linyang pina-hold.”

***

Iyung tungkol sa 11 thousand pesos daw na overpayment ni Sunshine sa Globe ay naikuwento na ‘yan sa amin ni Mommy Dorothy, pero na­ngako kaming hindi na namin isusulat ang buong detalye.

May mga kuwento pa siyang tungkol sa mga alahas na nawala, at ibinentang kotse, at ilan pang isyu na may kinalaman sa pera. Nakiusap si Mommy Dorothy na huwag na muna namin isulat. Marami raw siyang rebelasyon tungkol sa pagsasama nina Sunshine at Timothy Tan dahil sa marami siyang personal na nalalaman.

Kaya galit na galit at gustung-gusto na raw niyang magsalita, pero nagpipigil pa rin ito.
Tuwing nakakausap namin si Mommy Dorothy, lalo siyang nagagalit kaya baka hindi na rin siya makapagpigil at magsasalita na rin isa sa mga araw na ito.

Nakausap namin si Timothy kamakalawa lang at nagulat siya dahil mas marami pa raw kaming nalalaman tungkol sa kaso nila ni Sunshine.
Muli niyang nilinaw na wala raw siyang alam, pati ang abugado niya tungkol sa hearing nu’ng nakaraang linggo.

Hindi rin daw nila alam na magkakaroon uli ng kasunod na hearing sa July 28.
Hindi rin daw totoo na nagkausap sila ni Ambet Nabus tungkol sa naka-schedule na hearing at sinabi niyang hindi siya pupunta.

“Hindi kami nagkausap ni Ambet. Hindi ko nga alam ang tungkol sa hearing. Hindi ko sinabi na hindi ako pupunta,” pakli ni Timothy.

***

Tinawagan kami ni Ambet nilinaw din niya ang sinabi ng abugado ni Sunshine na nagkausap sila ni Timothy.
Hindi raw sila nagkausap ni Timothy, at wala raw silang komunikasyon. Kinorek naman sa amin ‘yan ng abugado ni Sunshine na si Atty. Claire Castro.

Sabi na lang sa amin ni Timothy, hintayin na lang daw nila ang subpoena para sa susunod na schedule ng hearing.
“Gusto namin umatend para alam namin kung ano ang sagot namin,” pahayag pa ni Timothy.

Ayaw na lang niyang magsalita pa tungkol sa ilan pang isyu sa hiwalayan nila ni Sunshine.

Mas mabuting tahimik na lang sila ng kanyang abugado at harapin na lang nila ang kaso.